top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Hindi ramdam ng mga Pinoy ang ibinibida ni Diokno na umunlad ang ekonomiya ng bansa

BULGAR
Jul 10, 2022
2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 10, 2022


PARA MATIGIL NA ANG MARCOS VS. AQUINO INTERNATIONAL AIRPORT, IBALIK ITO SA DATING PANGALAN NA MIA—Iminungkahi ni Negros Oriental Rep. Arnie Teves na tanggalin na ang pangalang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at palitan ito ng Ferdinand E. Marcos, Sr. International Airport, pero siyempre, tutol ang "dilawan" at "kakam-pink."


Naku, kapag ipinilit ni Cong. Teves 'yan at sinuportahan ng Palasyo, hindi na talaga matitigil ang isyung Marcos vs. Aquino.


Ngayon, para matapos na ang usaping 'yan, dapat ibalik na lang ang pangalan ng airport, gawin ulit itong Manila International Airport (MIA).


◘◘◘


BAKA MASIBAK ANG PSA CHIEF—Matapos kontrahin ni P-BBM ang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pumalo na sa 6.1% ang inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin ay pinanindigan ni PSA chief Claire Mapa ang kanilang datos.


Maging dahilan kaya ang paninindigan ng PSA chief para masibak siya sa puwesto?


◘◘◘


HINDI KAYA FAKE NEWS ANG IBINIBIDA NI SEC. DIOKNO NA UMUNLAD NG 10% EKONOMIYA NG PILIPINAS?—Ayon kay Sec. Benjamin Diokno ng Dept. of Finance (DOF), tumaas ng 10% ang ekonomiya ng bansa sa second quarter ng 2022.


Hindi kaya fake news ang ibinibida ni Diokno kasi sa totoo lang ay hindi ramdam ng mamamayan na umunlad ang ekonomiya, dahil sa ngayon, ang totoong nararamdaman ng taumbayan ay kahirapan dulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, bayarin at pasahe, period!


◘◘◘


DAPAT TULUYANG KASUHAN NG NGO NI EX-VP LENI SI BADOY PARA MATURUAN NG LEKSYON—Sasampahan ng kaso ng "Angat-Buhay" Non-Governmental Organization (NGO) ni former Vice-Pres. Leni Robredo si dating Presidential Communication Operations Office(PCOO) Usec. Loraine Badoy dahil sa pangre-red tag sa kanilang organisasyon, na kesyo samahan ito ng mga kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA).


Dapat talagang kasuhan ng NGO ni ex-VP Leni si Badoy para maturuan ito ng leksyon at malaman niyang bad ang ginagawa niyang pangre-red-tag sa kanilang organisasyon, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page