Hindi pondo ang pork barrel, kundi modus-operandi
- BULGAR
- Jun 5, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | June 5, 2022
MARAMI na ang inilalabas na pangalan na itatalaga ni P-BBM sa kanyang administrasyon.
Pero, wala pang binabanggit tungkol sa kung sino ang itatalagang opisyal para sugpuin ang graft and corruption.
◘◘◘
AMINADO si P-Digong na hindi niya nasugpo ang korupsiyon sa pamahalaan.
Bakit?
Maaaring katabi lang niya ang ilan sa mga korup na opisyal.
◘◘◘
NAKABAON sa burukrasya ang korupsiyon.
Ibig sabihin, kahit sino ang italaga sa iba’t ibang sangay, magnanakaw at magnanakaw ang mga ito.
◘◘◘
LEHITIMO kasi ang pork barrel system.
Hindi isang klase ng “pondo” ang pork barrel, ito ay modus-operandi sa loob ng burukrasya na kinukunsinte ng tatlong sangay ng pamahalaan—Palasyo, Kamara at Hudikatura.
◘◘◘
KAHIT iakyat sa Korte Suprema ang iskema ng pork barrel, hindi pa rin napaparusahan ang mga mastermind.
Bakit? Sapagkat isina-legal ng mga mambabatas at punong ehektibo ang iskemang ito.
◘◘◘
KAPAG legal o lehitimo, hindi ito nangangahulugang “moral” o naaayon sa kaugaliang Pinoy.
Pero, dahil sa talamak na guilty ang mga opisyal ng gobyerno sa iskema ng pork barrel system, nagmimistulang “moral”.
◘◘◘
ANO ba ng “moral”?
Kasingkahulugan ng moral o moralidad ang tinatawag na “social standard”, ito ay ang mga aktibidad, aksyon o desisyon ng kalipunan ng mga tao — na pinaniniwalaang “hindi masama” o “mabuting pagkilos o aktibidad” o katanggap-tanggap sa panlasa ng mayorya ng populasyon.
◘◘◘
IKINAKAMBAL kasi sa “legalidad” ang “moralidad”.
Mas madaling maunawaan ito, kapag ginamit nating eksampol ng sugal o gambling.
◘◘◘
ANG lotto o pagtaya sa casino ay aktuwal na sugal, pero 'yan ay legal — dahil may batas na nagpoprotekta sa ganitong iskema.
Walang nilalabag na batas ang sugarol sa loob ng casino o ang mga bumibili ng tiket sa lotto.
Sa biglang tingin, 'yan ay “moral” o naaayon sa “society standard”.
◘◘◘
ANG simbahan o doktrina ng relihiyon ay karaniwang haligi o protektor ng moralidad.
Pero, ang Simbahang-Katolika o grupo ng mga relihiyon ay tumanggap ng donasyon mula sa PAGCOR at PCSO, kung saan ang salapi ay galing sa sugal.
Kung susumahin, maaaring “moral” ang magsugal.
◘◘◘
GANYAN din sa pork barrel system, sapagkat ang iskemang ito ay pinahihintulutan ng batas, ang salapi na nakukurakot mula sa “substandard na imprastruktura” ay nagiging legal at moral.
Ibig sabihin, kahit hindi dumaan sa maayos na subasta o “nilutong subasta” at may overpricing — lehitimo at naaayon sa moralidad ang “pangungurakot”gamit ang pork barrel system.
◘◘◘
WALA tayong masisisi rito, dahil ang mga mahistrado at huwes ay mga eksperto sa batas na ang ibig sabihin, ang iskema ng pork barrel — at naayon mismo sa Konstitusyon.
Malinaw kung gayon, na dapat baguhin ang Konstitusyon at linawin dito nang espesiko — kung ano ang depinisyon ng “pork barrel” at tukuyin kung ibabawal o kukunsintehin pa rin.
◘◘◘
IBIG sabihin, ang kinopya o bunga ng plagyarismong teksto at porma ng Konstitusyon na kinopya sa US at iba pang bansa—ay siyang susi kung bakit “talamak ang korupsiyon”.
Dapat magkaroon ng Bagong Konstitusyon na hindi kinopya sa US, bagkus ay dapat orihinal na maka-Pilipinas, maka-Filipino at maka-Lahing Kayumanggi.
◘◘◘
ANG korupsiyon sa gobyerno ay lihim na ibinaon sa Konstitusyon upang madaling mawasak ang demokratikong institusyon sakaling umiiwas ito mamanginoon sa mga dayuhan.
Dikta lamang ng mga dayuhan ang Konstitusyon, dapat itong baguhin batay sa pananaw at adhikain ng tunay na Lahing Kayumanggi.








Comments