top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Hindi nasunod na health protocols sa Simbang Gabi, ‘wag na sanang maulit!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 17, 2020
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 17, 2020


Nagsimula na nga ang isa sa mga tradisyon nating Pinoy tuwing Kapaskuhan.


Sa unang araw Simbang Gabi o Misa de Gallo, dumagsa ang publiko sa mga simbahan.


Gayunman, matatandaang, sa mga lugar na nakasailalim sa modified general community quarantine (MGCQ), 50% ang seating capacity sa mga simbahan, habang sa mga nasa ilalim naman ng general community quarantine (GCQ), 30% lang ang pinapayagang makapasok.


Kaya ang siste, kani-kanyang diskarte ang mga simbahan para mairaos ang Misa de Gallo sa kabila ng pagsunod sa umiiral na safety protocols.


Tulad ng Basilica Minore del Santo Niño de Cebu sa Cebu City, bagama’t limitado ang puwedeng makapasok sa simbahan, naglagay na lang ng upuan sa labas, habang mahigpit namang ipinatupad ang health protocols sa loob at labas ng simbahan gaya ng pagsusuot ng facemask, face shield at social distancing.


Samantala, ang ilang malalaking simbahan ay nagdagdag ng mga misa para sa Simbang Gabi para ma-accommodate ang mas maraming gustong magsimba. Sa Quiapo Church, tatlo ang misa para sa anticipated mass at tatlo rin ang misa para sa Simbang Gabi.


Kung ang ilang simbahan ay todo-sikap na makasunod sa health protocols para mairaos ang Simbang Gabi nang walang hawaan, may iilan pa rin talagang hindi nakasunod.


As usual, physical distancing ang problema dahil kahit limitado ang tao sa loob, napakarami namang tao sa labas ng simbahan.


Imbes na payapa ang misa, siksikan kahit nasa labas at nakakaabala na sa mga motorista. Balewala rin ang health protocols dahil pagdating sa labas, kani-kanya nang puwesto ang mga tao.


Siyempre, nakalulungkot dahil ito nga ang iniiwasan, pero nangyari pa rin.


Gayunman, ‘ika nga, lahat ay nag-a-adjust pa kaya sa mga susunod na araw, sana naman ay mas maayos na.


Pakiusap sa lahat, kung gusto nating makapagsimba nang payapa, magkusa tayong sumunod sa health protocols tulad ng physical distancing at pagsusuot ng facemask at face shield.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page