top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Hindi na biro ang 65,190 kaso ng Dengue at marami na ang namamatay

BULGAR
Jul 22, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 22, 2022


Hindi pa man din tayo lubusang nakaaalpas sa hagupit ng pandemya ay heto na naman ang panibagong dagok na dapat kumilos na hangga’t maaga bago pa mahuli ang lahat dahil hindi na ito biro.


Posibleng dahil naumay na ang marami nating kababayan sa resulta ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 na hanggang ngayon may naiuulat pa ring nasasawi, kaya hindi na gaanong nabibigyan ng atensyon ang paglala ng sitwasyon hinggil sa dengue.


Pero kung bibigyan talaga ng pansin ay hindi na ordinaryong pagtaas ng kaso ang paglaganap ng dengue dahil sa nakapagtala na mismo ang Department of Health (DOH) ng 65,190 mula sa buwan lamang ng Enero hanggang ngayong Hulyo.


Ibig sabihin, itong taong ito ay umabot na sa 83 porsyento ang naitalang kaso ng dengue sa bansa na higit na mas mataas kung ikukumpara sa kaparehong mga buwan noong nakaraang taon na labis na nakababahala.


Base mismo sa tala ng DOH noong nakaraang taon ay umabot lamang sa kaparehong panahon ang kaso ng dengue sa kabuuang 35,715 na halos dumoble na malaking indikasyon na may kinahaharap tayong problema na dapat mabilis na matugunan.


Sa pinakahuling ulat ng lalawigan ng Negros Oriental ay may binawian na naman ng buhay noong nakaraang araw lamang dahil sa dengue na mismong ang kanilang Provincial Health Office (PHO) ay nagpahayag na nakaaalarma na ang sitwasyon.


Ang pinakahuling biktima ay 16-anyos na lalaki mula sa Barangay Maninihon, Bayawan City na binawian ng buhay sa pribadong ospital at naitalang panlima na sa mga huling nasasawi sa naturang lalawigan.


Sa datos ng PHO, ang kanilang lalawigan ay nakapagtala 910 kaso ng dengue mula Enero hanggang Hulyo ng taong kasalukuyan, na 144 porsyento mataas kumpara sa 373 kaso noong nakaraang taon na wala kahit isang naitalang nasawi.


Nangangamba ang PHO na kung hindi maaampat ang kasalukuyang sitwasyon ay kinakakitaan na ito ng potensyal na maging outbreak lalo pa at sunud-sunod ang mga pag-ulan na malaking problema ang naiipong tubig sa kapaligiran.


Ayon pa sa PHO, ang 2022 ay tinagurian nilang ‘epidemic year’ dahil sa three-year cycle kung saan ang kaso ng dengue sa buong Negros Oriental ay sumirit base umano sa paglaganap ng anopheles mosquito na siyang dengue virus carrier na ngayon ay endemic na sa buong lalawigan.


Sa buong bansa ay nakapagtala na tayo ng 274 nasawi dahil sa dengue — 36 sa buwan ng Enero; 32 sa Pebrero; 39 sa Marso; 46 sa Abril; 63 sa Mayo at 58 sa buwan ng Hunyo na lubnag napakataas na rin, ngunit natatabunan lamang ng problema sa COVID-19.


Karamihan sa mga naiulat na kaso ng dengue ay nagmula sa Central Luzon na mayroong 9,448 kaso o 14 porsyento; Central Visayas na mayroong 7,771 kaso o 12 porsyento at Zamboanga Peninsula na mayroong kaso ng 5,708 o siyam na porsyento.


Sa panahon lamang ng Hunyo 5 hanggang Hulyo 2 nitong nagdaang mga linggo lamang ay umabot sa 16,324 ang naitalang kaso ng dengue at sa kabuuang bilang ay nasa 3,196 o 20 porsyento ay nagmula sa Central Luzon; 1,703 o 10 porsyento ay mula sa Central Visayas at 1,729 o 11 porsyento ay mula sa National Capital Region (NCR).


Kaya dapat talagang tutukan dahil sa nasa 13 sa kabuuang 17 rehiyon ang kasalukuyang nasa bukana na ng epidemya sa loob na ng apat na linggo na lahat ay nakararanas na ng pangamba na baka isang araw ay sila naman ang magkaroon ng dengue.


Kabilang sa nabanggit na rehiyon ang Central Luzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ang Cordillera Administrative Region.


Ang lahat ng mga rehiyong ito ay tuluy-tuloy na nakararanas ng pagtaas ng kaso ng dengue mula Hunyo hanggang sa kasalukuyang buwan, kaya dapat lamang na palakasin ang pagtugon sa kinahaharap na problema upang maiwasang humantong sa outbreak.


Isa sa pinakaepektibong ipinatutupad ng DOH ay ang “4S” na ang ibig sabihin ay “Search and destroy” mosquito breeding sites; “Secure self-protection measures” tulad ng pagsusuot ng long pants at long-sleeved shirts, at araw-araw na paggamit ng mosquito repellent; “Seek early consultation” at “Support fogging/spraying.”


Habang wala pang bago at solidong kautusan na ipinalalabas ang DOH ay makabubuting isagawa na muna natin ang mga naunang estratehiyang pinatutupad ng pamahalaan para makaligtas tayo sa tiyak na kapahamakan.


Makatutulong din na huwag tutulug-tulog ang mga opisyal ng barangay, lalo pa at malapit na ang aksyon—makabubuting mag-ikot sa mga eskinita dala ang public address system at hikayating maglinis ng kapaligiran ang kanilang nasasakupan.


Ang mga lokal na pamahalaan naman ay maaaring gamitin ang tri-media para itaas ang kamalayan ng kani-kanilang nasasakupan dahil malaki ang magagawa ng sambayanan para labanan ang pagtaas ng kaso ng dengue at unang-una lamang dito ay ang kalinisan ng kapaligiran.


Tandaan, ang taong dugyot ay paboritong papakin ng nakamamatay na lamok!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page