Hindi maire-reverse pa ang botong Marcos
ni Ka Ambo - @Bistado | December 17, 2021
TULUYAN nang nag-withdraw ng COC ang mag-amo.
Si Sen. Bong Go sa pagka-pangulo.
Si P-Digong naman ay sa pagka-senador!
◘◘◘
ANO ang magiging senaryo nang wala sa kampanyahan sina Go at P-Digong?
Sari-saring espekulasyon na naman ‘yan!
◘◘◘
MAAARING naging praktikal ang dalawa.
Una, kung may konsensiya sila, hindi sila dapat makagambala sa kampanya ni Mayor Sara.
Ikalawa, matapos ang konsultasyon sa mga eksperto, maaaring napagtanto nilang hindi maire-reverse pa ang botong Marcos!
◘◘◘
ANG botong Marcos ay botong Marcos.
Ito ang tinatawag nating “organic Marcos”.
Nagmumula ito sa mga botanteng aktuwal na naging bahagi ng Administrasyong Marcos!
◘◘◘
“BOTONG organic Marcos” ay hindi simpleng maka-BBM o maka-Imee o maka-Imelda.
Ito ay maka-Marcos, Sr.!
◘◘◘
ANG mga kasama sa “organic Marcos” ay aktuwal na tao na nakatuwang ng matandang Marcos mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Ito ay naipamana ng Matandang Marcos sa kanyang anak na sina BBM at Madame Imee.
Maaaring mamana pa ito ng kanyang mga apo at kaapu-apuhan sa tuhod!
◘◘◘
ANG “organic Marcos votes” ay higit sa loyalist at oportunista dahil ito ay boto ng mga naging saksi at bahagi ng Marcos Administration na siyang nagpabago ng lipunan mula 1964 hanggang 1985.
Hindi mabibili ng boto ang “organic Marcos”, bagkus ay nagmu-multiply ito dahil sila ay nagkaroon na ng mga anak at apo — pero nanatiling maka-Marcos!
◘◘◘
BUKOD sa “organic Marcos votes”, naririyan ang bagong lipaw o bagong sabit sa Pamilya Marcos na mga loyalista.
Ang loyalist ay hindi nalalayo sa panatiko — na naniniwala sa pinaninindigan ng pamilya Marcos, pero sila ay hindi naging bahagi ng malawak na Marcos Administrasyon!
◘◘◘
ANG loyalist vote ay mula sa mga benepisaryo na natulungan ng mga programa at proyekto sa panahon ng Marcos administration mula 1964.
Nagkaroon na rin ng mga anak at apo ang mga Marcos Loyalist — na hindi rin maihahapay at hindi tatablan ng black propaganda o paninira kay BBM!
◘◘◘
KUNG milyun-milyon ang “organic Marcos votes” at Marcos Loyalist votes, siyempre, milyun-milyon din ang “Opportunist votes”.
Ito ay mga bagong salta sa Tropang Marcos na na hindi organic at hindi rin loyalist, bagkus ay nais lang makinabang sakaling makabalik sa Malacañang ang pamilya Marcos!
◘◘◘
DAHIL bistadung-bistado na llamado si BBM — nagiging exponential ang pagdami ng “opportunist votes” sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Sila ang malawak na karagatan ng tao sa mga motorcade na natatangay ng agos — at nahihigop ng tinatawag na “bandwagon”!
◘◘◘
SA lahat ng presidential candidates, sino ang may organic votes na nakatanim mula 1964 hanggang 1985?
Sinong presidentiable ang may milyun-milyong loyalist?
Sinong kandidato ang humahatak gamit ang “bandwagon syndrome”?
◘◘◘
KAHIT may bilyun-bilyong resources ang sinumang dark horse, mabubura pa kaya nila ang organic votes, loyalist votes at bandwagon votes?
Maaaring ‘yan ang nakita ng mga political consultant ng tandem nina P-Digong at Go — hindi kayang i-reverse ang paparami at paparami pang kapanalig ni BBM.
◘◘◘
PINATITINDI ang Botong Marcos ng dagdag-panibagong Duterte votes na iniaambag ni Mayor Sara.
Tulad ng Marcos Loyalist, mayroon ding Duterte Loyalist — at siyempre, mayroon ding organic Duterte votes na makokorner din ni BBM.
◘◘◘
DAHIL umatras na sina P-Digong at Go, walang ibang patutunguhan ang Marcos at Duterte votes, kundi sa tandem nina BBM-Sara.
Hindi ito ordinaryong sitwasyon.
Isa itong phenomenon sa panahon ng COVID!





Comments