Hindi lang sina Gen. Sinas at Mayor Magalong ang 'untoucables' sa protocols, pati mga 'lords'!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | February 1, 2021
WALA RAW SINASANTO ANG GOV'T. SA PROTOCOL, PERO NAGING PNP CHIEF PA SI SINAS AT AYAW TANGGAPIN ANG RESIGNATION NI MAGALONG—Nang mag-viral sa social media ang paglabag sa mass gathering sa bonggang birthday party ni Tim Yap sa Baguio City, ang sabi ni Presidential spokesman Harry Roque ay maparurusahan daw ito dahil walang kinikilala o sinasanto ang Duterte gov't. sa pagpapatupad ng health protocols.
Tila "pang-uunggoy" lang sa publiko statement ni Roque kasi lumabag din noon sa mass gathering si Gen. Debold Sinas noong NCRPO (National Capital Regional Police Office) director pa siya nang magdaos ng birthday party, na-promote pang PNP chief at si Mayor Magalong na dumalo sa birthday party ni Tim Yap ay sa hiya nag-resign sa pagiging contact tracer czar, pero ayaw naman tanggapin ni P-Duterte ang resignation, pwe!
◘◘◘
MGA GAMBLING LORDS, 'UNTOUCHABLES' SA HEALTH PROTOCOLS—Hindi lang sina Gen. Sinas at Mayor Magalong ang "untouchable" sa ipinaiiral na health protocol ng gobyerno, kundi pati ang mga gambling lords.
Hindi rin kasi maiiwasan ang close contact sa raket ng mga gambling lords dahil ang mga kubrador nila ay nagbabahay-bahay sa mga mananaya, pero sa kabila ng mga paglabag sa health prototolcs, dedma lang sina NCRPO Director Gen. Vicente Danao at NPD (Northern Police District) Director Gen. Ely Cruz sa bookies ng karera at lotteng nina "Jr" at "Edmon" sa Caloocan City at lotteng nina "Mario" at "Atan" sa Malabon City, "Jun" at "Santa" sa Valenzuela City at "Leody" sa Navotas City at sa jueteng ni "Neth" sa buong CAMANAVA area, buwisit!
◘◘◘
GOV. HERNANDEZ AT COL. PETALIO 'NGANGA' SA STL-CON JUETENG SA LAGUNA—Hindi lang sa CAMANAVA area talamak ngayon ang raket ng mga ilegalista kundi pati sa Laguna dahil nag-o-operate na raw ngayon sa lalawigang ito ang STL-con jueteng nina alyas "Ibora", "Toce" at "Alvarez."
Ang siste, imbes na paghuhulihin ang mga ilegalistang ito dahil lumalabag sa health protocol ang kanilang mga kurador, eh, "nganga" lang sina Gov. Ramil Hernandez at PD Col. Serafin Petalio, pwe!
◘◘◘
PUTOK SA CAMP CRAME AT CAMP BAGONG DIWA RAKET NINA 'BERLIN' AT 'MADAM REYNA,' PNP CHIEF AT NCRPO DIRECTOR LANG YATA HINDI NAKAKAALAM—Isang alyas Berlin na nagpapakilalang "bata" ni Gen. Sinas ang nagbigay daw ng permiso na mag-operate ng STL-con jueteng ang mga ilegalista sa Laguna at isang alyas "Madam Reyna" naman daw ang gumagamit sa name ni Gen. Danao para mag-operate ang mga ilegalista sa CAMANAVA area.
Putok sa Camp Crame at Camp Bagong Diwa ang raket nina "Berlin" at "Madam Reyna" at tila ang hindi na lang nakakaalam ay ang PNP chief at NCRPO director, boom!





Comments