ni Julie Bonifacio @Winner | July 5, 2024
Nakakapanghinayang na hindi natuloy si Robin Padilla sa pelikula ni Direk Brillante Mendoza na Moro na pinagbibidahan nina Piolo Pascual at Baron Geisler.
Originally, ang Moro is intended for Robin and Piolo bilang magkapatid. ‘Yan ang ini-reveal ni Direk Brillante when we asked him sa special screening ng Moro sa bahay ng Cannes Best Director.
Natandaan kasi namin sa huling interbyu ng inyong likod kay Robin years back sa presscon ng teleserye nila nila nina Richard Yap at Jodi Sta. Maria, natanong namin ang mister ni Mariel Padilla tungkol sa movie na gagawin niya kay Direk Brillante.
Excited naman na nagkuwento si Robin tungkol sa proyektong gagawin niya kay Direk Brillante sa Mindanao. Pero ‘di natuloy si Robin at muntik pang magkaaberya kay Piolo dahil sa schedule ng aktor.
Paglilinaw ni Direk Brillante, “Schedule ni Piolo ang problema. ‘Di siguro nagswak sa schedule ni Robin, kasi hindi rin siya nagswak sa schedule namin.
“Sabi ko sa kanya (kay Piolo), ‘So, paano?’ Eh, nag-meeting na kami and all. Tapos excited na s’ya. Nag-aral na siya ng salita nila sa movie.
“Hirap na hirap s’ya. Ang hirap naman talaga kasi pag-aralan ‘yung dialect nila (Mindanao), i-memorize. Eh, ang dami n’yang eksena na magkakasama sila supposed to be sa Mindanao, kaya kailangan n’yang mag-aral.
“Sabi ko, ‘So, paano? Next project na tayo?’ (Sagot ni Piolo) ‘Hindi, direk,’ sabi n’ya. ‘Gusto talaga kitang makasama.’
“So, sabi ko, ‘Gusto mo du’n ka na sa maliit na role?’ So, ‘yung kay Baron supposedly ang kay Piolo. Lumiit (tuloy) ang role n’ya (Piolo). Tapos si Baron, pinalitan n’ya si Robin. ‘Yun ang malaki.”
Kaya dasal ni Direk Brillante na makatrabaho niya ulit si Piolo.
“Parang, puwedeng may mas malaking project pa. Kasi dito, hindi naman talaga s’ya ‘yung bida.
“Ang bida rito ay parang ‘yung pamilya, sina Laurice at ‘yung dalawang magkapatid. Ang hina-highlight natin dito ay ‘yung pamilya. Hindi lang ‘yung point of view ng isang kapatid ni Piolo or ni Baron, ‘di ba?
“Siguro kung gagawa kami ni Piolo in the future, maganda ‘yung parang s’ya lang talaga ‘yung bida, ‘yung ganu’n.”
Ang sagot naman niya sa tanong namin na ganu’n din ba kay Robin,
“Oo, puwede rin si Robin. Pero sa ngayon para sa ‘kin, wala pa ako’ng mga projects na ganyan ngayon.
“Parang siguro, pahinga muna ako sa Mindanao. Nagagalit na sila sa ‘kin, ‘yung iba (na naghihintay sa kanya na gawan n’ya rin ng movie).”
Anyway, ipapalabas ang Moro sa Netflix sa July 19.
KATAPUSAN na nga ni Pablo (Elijah Canlas) matapos ang maaksiyong bakbakan nila ni Tanggol (Coco Martin) na ikinagulat ng mga netizens sa seryeng FPJ’s Batang Quiapo na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Natupad na rin ni Tanggol ang pangako niyang maghiganti kay Pablo sa pananakit na ginawa nito kay Bubbles (Ivana Alawi), matapos mag-isang sugurin ni Tanggol ang buong puwersa ni Pablo. Sinubukan pang tumakas ni Pablo pero hindi na ito nakaligtas.
Wala na ring nakapigil sa gigil ni Tanggol kaya pati ang kakutsaba ni Pablo na si Ruben (Yce Navarro) ay nadamay sa matinding salpukan.
Bago nito, nasaksihan ng mga manonood kung paano pinagplanuhan ni Tanggol ang paghihiganti niya kay Pablo sa episode nu’ng Hulyo 2 kung saan nakamit ng serye ang panibagong viewership record na 532,780 peak concurrent views sa Kapamilya Online Live.
Sunud-sunod na maaaksiyong tagpo ang dapat pang abangan ng mga manonood dahil nakatakdang magharap sina Tanggol at David (Mccoy De Leon). Malalagay pa sa delikadong sitwasyon si Tanggol dahil manggagalaiti sa galit si David at magbabantang papatayin niya si Tanggol.
Huwag palampasin ang maaaksiyong kaganapan sa FPJ’s Batang Quiapo, na hango sa orihinal na kuwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.
Comments