ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 17, 2024
Nami-miss ko ang aking yumaong Nanay Naty. Totoo ang madalas niyang sabihin sa aming magkakapatid kapag ‘pinagagalitan’ namin siya sa sobrang pangaral na paulit-ulit.
“Mommy, huwag pong masyadong makulit. Nababawasan ang bisa ng inyong pangaral,” yan ang madalas naming magkakapatid sabihin sa aming mahal na nanay. Ganito lagi ang kanyang sagot, “Mami-miss niyo rin ang aking ingay mga anak. Huwag kayo mag-alala, hindi ito forever!”
Totoo ang una at huling bahagi ng kanyang sinabi na mami-miss namin ang kanyang ingay. Sobrang tahimik na ng aming bahay dahil wala na ang aking nanay doon. Wala na rin ang aking tatay at pangalawang kapatid na lalaki, gayundin ang nakatatandang kapatid ng aking nanay. Tatlo na lang kaming natitirang buhay pero wala sila sa ‘Pinas, kaya ako na lang ang dumadalaw, nagpapaayos, nagpapalinis ng aming dating masaya’t masiglang tahanan.
Madalas kong balikan ang masasayang sandali ng aming palitan at diskusyong mag-ina matapos niyang magsermon at mangulit. Kung tutuusin, hindi na kailangang magsalita ng mommy dahil napakalinaw ng kanyang pagkatao, mga prinsipyo, paniniwala at mga values na bumubuo nito. Dahil guro ang aking ina, alam niya ang kahalagahan ng pag-uulit para hindi talaga malimutan ang kanyang itinuturo.
Kung ano ang ingay at kakulitan ng aking nanay, may katahimikan naman ang aking ama. Maliban itanong ko ang kanyang opinyon sa mga bagay-bagay, likas na tahimik ang aking tatay. Naalala ko ang isa pang naging ama ko, nang sumapi ako sa mga Fransikano na tinatawag na si San Francisco, Amang Francisco.
Sabi ni Saint Francis ng Assisi, “Ipahayag ang mabuting balita sa lahat ng panahon, at kung kinakailangan gumamit ng salita.” Napapaloob dito ang paniniwala na ang pinakamabisang sermon ay hindi gumagamit ng salita. Kapag malinaw at matatag ang ating paniniwala, prinsipyo, paninindigan at mga buting pinanghahawakan ay mapapansin, hahangaan at hindi malayong gayahin ng iba ang mga ito. Kaya mas mahalaga ang mabuting halimbawa kaysa mabuting salita.
Mas mabuti rin ang pagsaksi kaysa pagsabi. Mahalaga ang salita dahil ito ang likas at tahasang paghahatid ng anumang kaisipan, damdamin at mensaheng nais ibahagi o palaganapin sa marami.
Merong binitiwang pangaral sa mga pari si Pope Francis noong nakaraang Miyerkules sa St. Peter’s Square. Ayon sa Santo Papa, ‘kailangang maikli at hindi lalabis ng walong minuto ang mga sermon ng mga pari dahil tutulugan lang ito ng mga nagsisimba.’ Binulabog ng simpleng payo ng Papa ang buong mundo. Maski saan ay pinag-uusapan na ang sermon ng mga pari. Kaya pati ang CBCP, ang grupo ng mga Katolikong obispo sa Pilipinas ay nagpalabas ng paalala na hindi naman masama ang medyo mahabang sermon basta’t huwag lang sobrang haba. Sinabi ni Fr. Jerome Secillano, ang tagapagsalita ng mga obispo, “Posible namang paikliin ang omeliya kung iiwasan ang mga kuwento (anecdotes).”
Sa gitna ng lahat ng mga payo at kritisismo sa haba ng sermon ng mga pari, tama lang na gayahin natin ang sinabi ni Saint Francis.
Hindi ang haba ng sasabihin, kundi ang laman nito ang mahalaga. At hindi lang sa mga salita maipapahayag ito.
Sa hinaba-haba ng aking paglilingkod bilang pari, na mahigit nang 42 taon, malinaw ang paulit-ulit na mensaheng ipinapahayag ko sa iba’t ibang paraan maliban sa salita. Sa pamamagitan ng pagtakbo, pagbibisikleta, pagtatanim ng puno, gulay at halaman, pakikipamuhay sa mga maralitang taga-lungsod, magsasaka, mangingisda, pakikipiket sa mga manggagawa, pag-akyat at pagyakap sa mga punong puputulin dahil sa patuloy na “road widening projects” ng pamahalaan, sa paglalayag sa dagat kasama ang mga tumututol sa panghihimasok at pananakop ng China sa ating katubigan at teritoryo, at iba pa, sinisikap kong ipahayag ang ebanghelyo ng ating Panginoon.May halong salita at pangaral ang marami nating mga adbokasiya, ngunit sinisikap din natin at ang mga naging kasama na ipahayag ang anumang mensahe sa malikhaing paraan, katulad ng mga binanggit ni San Francisco, kung kakailanganing gumamit ng salita.
Ngunit, haba lang ba ng sermon ang problema? Karamihan ng mga misa ay natatapos sa loob ng isang oras at pagkatapos, uwian kaagad ang mga dumalo. Tila nagmamadali rin ang mga nagsisimba at hindi lang omeliya, kundi ang buong misa ang nais na paikliin. Maaari bang tingnan natin hindi ang haba kundi ang laman at dating ng bawat misang ating dadaluhan?
Hindi ba’t isang pagdiriwang ang unang misa? Kumakain at nakikipagsayahan si Kristo sa kanyang mga alagad. At habang sila’y nasa paligid ng isang malaking mesa, doon niya ginawang “hawakan ang tinapay, magpasalamat, paghati-hatiin ito at ibigay sa mga alagad. Nang kakain na sila ay kanyang sinabi, “Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa atin.”
Hindi sa haba ng sermon, ang mahalagang puntong ito, ang misa ay isang masaya at buhay na pagdiriwang na nagbibigay buhay at kaligtasang pangyayari. Ang pakikipagkaibigan at pagmamahal ni Kristo sa kanyang mga alagad, kung kanino inialay niya ang sarili bilang kanilang pagkain at inumin.
Bình luận