Hindi dapat urong-sulong ang DICT sa SIM registration
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 19, 2023
Habang papalapit ang itinakdang deadline para sa Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration, tila humihina ang tayo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kung ipatutupad o palalawigin ba ang naturang kautusan.
Ito ay dahil ilang araw na lamang at matatapos na ang itinakdang deadline sa Abril 26 ng taong kasalukuyan, ngunit biglang nagkaroon ng pagbagal ang isinasagawang registration dahil sa ipinapakitang pag-aagam-agam ng DICT.
Kumalat kasi ang balita na posibleng palawigin ang itinakdang deadline dahil hanggang sa kasalukuyan ay mahigit sa 71 milyon pa lamang ang nagpaparehistro ng kanilang SIM sa buong bansa.
Lumalabas na tila hindi sineseryoso ng ating mga kababayan ang SIM registration sa kabila ng anunsyo na hindi na made-deactivate ito sa oras na dumating ang itinakdang araw na hindi pa rin ito nakarehistro dahil hindi rin kinakakitaan ng kaseryosohan ang nagpapatupad nito.
Ang Pilipinas ay tinaguriang Text Capital of the World, pero ang bansa rin natin ang naging pugad ng scam gamit ang text messages at malalaking sindikato ang nagpapatakbo nito dahil ngayon ay tukoy na nila ang pangalan ng kanilang bibiktimahin.
Dapat ay ipaalala natin sa DICT na maging ang National Privacy Commission (NPC) ay nabulabog para tukuyin kung saan ba talaga nagsimula ang text scam na unti-unti na namang nagbabalikan.
Aminado rin ang anti-cybercrime group ng Philippine National Police (PNP) at maging sa mga major telecommunications companies na hirap silang matukoy kung sino ang nasa likod ng mga scammer na ito at dagsa pa rin ang nabibiktima araw-araw.
Mismong ang Globe ay umabot na sa 784 milyong scam at spam messages ang kanilang nai-block, at nasa 14,058 mobile numbers ang na-deactivate at nasa 8,973 ang blacklisted dahil napatunayang sangkot sa phishing na isang malaking hakbang, ngunit wala pa ring matukoy na salarin.
Ganundin ang PLDT at Smart na halos nasa 78,000 ang SIM cards ang natukoy na konektado sa katiwalian at nasa 23 milyong text ang nakumpirmang konektado sa phishing sites at may na-detect silang 600,000 text scams.
Kaya minadali ‘yan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.(P-BBM) dahil kailangang-kailangan na at bilang isa sa author, dumalo pa tayo sa Malacañang para sa isang ceremonial signing ng naturang panukala na ngayon ay ganap nang batas.
Nakapaloob sa naturang batas na ang lahat ng gumagamit ng public telecommunications entities (PTEs) ay kailangang irehistro ang kani-kanilang SIM cards.
Dahil sa pagkakalagda ni P-BBM, maraming kababayan natin ang kahit hindi pa sumasapit ang itinakdang deadline ay umaasang magiging mabilis na para sa mga awtoridad kung paano ireresolba ang mga panloloko gamit ang cellphone.
Katunayan ay napakarami sa ating mga kababayan ang agad namang tumugon, lalo na ‘yung mga nag-iingat ng numerong ginagamit sa legal na paraan na ayaw nilang ma-deactivate ay agad nagparehistro.
Ang hindi ko maliwanagan ay kung bakit dapat pang pagbigyan ang marami sa ating kababayan na hindi interesadong magparehistro ng kanilang SIM, samantalang puwede naman silang bumili ng bagong SIM na rehistrado na sakaling ma-deactivate ang luma nilang numero.
Tapos heto ang DICT na panay ang anunsyo na dapat umanong mag-ingat ang publiko laban sa mga scammer na nag-aalok ng tulong sa pagpaparehistro ng SIM, na tama rin naman dahil tiyak na makukuha rin ang detalye ng nagpatulong.
Pero dahil nakakaramdam ang publiko, lalo na ‘yung mga scammer na hindi naman matutupad ang pag-deactivate ng mga SIM na hindi nairehistro sa Abril 26 ay tuloy pa rin ang text scam.
Ugaling Pilipino kasi na kung kailan malapit na o mismong deadline ay saka dadagsa o hahabol sa registration, nangyayari ‘yan sa maraming pagkakataon sa ilang ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor at marami pang iba.
Sa ngayon ay talamak pa rin ang harassment sa online lending na halos umaabot ng 50% ang tubo na kung hindi agad makapagbayad ang nangutang ay uulanin ng paninira at banta sa buhay online.
Ilang kababayan na ba natin ang nagpatiwakal dahil hindi kinaya ang harassment na ginawa sa kanila ng sindikato ng lending na sa umpisa ay nagpapanggap na lehitimong lending company ngunit sindikato pala?
At ang lahat ng ‘yan ay mawawala sa isang iglap kung seseryosohin natin ang SIM registration at handang-handa naman ang mga telecommunications companies sakaling dumagsa ang mga kababayan nating hahabol sa registration.
Ang dapat lang ay hindi urong-sulong ang DICT sa kanilang desisyon at magkaroon sila ng paninindigan dahil ito ang tanging paraan para wakasan ang text scam sa bansa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments