Hindi dapat dedmahin ang muling pagdami ng mga nagkaka-COVID-19
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 24, 2022
SIBAKIN SI DTI SEC. ALFREDO PASCUAL KASI PUWEDE NAMAN PALANG P70 PER KILO NG ASUKAL, TAPOS HINAYAAN NIYANG MAGING P100 PER KILO—Pumayag ang mga kapitalistang nagmamay-ari ng grocery store sa bansa sa pakiusap ni Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, na ibaba sa P70 per kilo ng asukal mula sa dating P100 per kilo.
Hindi papayag ang mga negosyante na gawing P70 per kilo ang asukal kung wala silang kita riyan, ibig sabihin, sa presyong P70 per kilo ay may tubo pa sila.
Dapat sibakin ni P-BBM si DTI Sec. Alfredo Pascual kasi hinayaan niyang itaas ng mga kapitalista sa P100 per kilo ang asukal, gayung puwede naman palang maging P70 per kilo!
◘◘◘
MARAMI NA NAMAN ANG MGA TINATAMAAN NG COVID-19 SA 'PINAS—Sa data ng DOH mula Aug. 15 hanggang Aug. 21 ay umabot sa 23,883 ang tinamaan ng COVID-19 sa bansa at kahapon, Aug. 22 ay may nadagdag dito na 3,077 nagka-virus.
Hindi 'yan dapat dedmahin ng gobyerno kasi dumarami na naman ang mga tinatamaan ng COVID kung ang isyung 'yan ay dededmahin lang ng mga kinauukulan, nakupo, eh, baka ang kahantungan niyan ay lockdown na naman.
◘◘◘
DAPAT SOLUSYUNAN NI DEPED SEC., VP SARA NA SIKSIKAN SA KLASE, BAKA MANALASA ANG VIRUS SA MGA ISKUL—Sa news sa telebisyon at maging sa social media ay nakita natin na nagsisiksikan ang mga estudyante sa pagpasok sa mga eskwelahan sa unang araw ng pagbabalik ng face-to-face class kahapon.
Nakababahala 'yan, lalo na't dumarami na naman ang mga tinatamaan ng COVID-19, kaya't dapat gawan ng solusyon ni DepEd Sec., Vice-Pres. Sara Duterte-Carpio ang problemang 'yan bago pa magkahawaan at manalasa ang COVID sa mga eskwelahan!
◘◘◘
KAPAG BINAWASAN ANG BUDGET NG UP, DADAMI NA NAMAN ANG MGA ESTUDYANTENG AKTIBISTA—Plano raw ng Department of Budget and Management, na bawasan ng P2.5 bilyon ang budget ng University of the Philippines (UP).
Pambihira naman, imbes na dagdagan dahil isa 'yan sa mga eskwelahan ng mga tinaguriang iskolar ng bayan, eh, babawasan pa.
Kapag pinanindigan ng DBM na bawasan ng ganyan kalaking halaga ang UP, itaga n'yo sa bato, dadami na naman ang mga estudyanteng aktibista.





Comments