Hinay-hinay sa pagdedesisyon sa isyu sa petrolyo
@Editorial | June 22, 2022
Nagpahayag nang hindi pag-sang-ayon ang susunod na Pangulo kaugnay sa pagtanggal ng fuel excise tax.
Ayon kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., mas gugustuhin niyang magbigay ng ayuda sa mga sektor na apektado ng non-stop oil price hike sa halip na suspendihin ang excise tax sa langis.
Ang pag-alis umano ng excise tax sa mga produktong petrolyo ay hindi pakikinabangan ng mga tinatamaan ng patuloy na pagsirit ng presyo ng krudo, lalo na ang mga nasa sektor ng transportasyon.
Kaya nais ng susunod na Punong Ehekutibo na ayusin ang pamimigay ng ayuda. Gawing mabilis ang distribusyon sa pamamagitan ng digital na proseso.
Madaling sabihin na tanggalin ang excise tax para bumaba ang presyo ng petrolyo pero ang tanong, ito ba talaga ang pinakamainam na solusyon?
Paano ang mga pinaglalaanan ng bilyun-bilyong pondo mula sa excise tax na ito? Hindi kaya maging mas malala ang sitwasyon?
Samantala, pagdating naman sa ayuda, sana ay maging maayos talaga ang pamimigay at huwag nang patagalin pa.
Sa ngayon, wala tayong ibang magagawa kundi ang magtiwala sa gobyerno at makiisa.



Comments