Hinaing ng comfort women, dapat nang pakinggan
@Editorial | March 13, 2023
Naglabas ng pahayag ang United Nation sa Pilipinas noong Miyerkules na nilabag ng bansa ang karapatan ng mga World War II comfort women sa pagbabayad-puri, social support, at pagkilala na naaayon sa pinsalang dinanas nila.
Sa Buwan ng Kababaihan, muling umingay ang hinaing ng mga kababaihang biktima ng karahasan ng mga Hapones.
Matapos ang ilang taong pakikibaka sa mataas na hukuman para sa hustisya, iniabot ng Malaya Lolas ang kanilang hinaing upang makakuha ng epektibong tugon, bayad-pinsala, opisyal na paghingi ng tawad at mga serbisyong rehabilitasyon.
Sumagot ang Presidential Communications Office (PCO) na pag-aaralan nila ito at magsusumite ng tugon sa Komite sa loob ng anim na buwan.
Sa ilang dekadang pagkimkim na pighati, pagtatago sa hiya at mapait na alaala, hindi maitatanggi na walang salita ang makakasapat sa trahedya at kasuklam-suklam na bagay na kanilang dinanas.
Hindi ang pagtalikod ng bansa sa mga kababaihang ito ang solusyon, bagkus ay pakikiramay at unawa.
Nawa’y mabigyan ng tama at agarang aksyon ng pamahalaan ang mithiin ng Malaya Lolas.
Unti-unti nang nalalagas ang mga comfort women, kailan maibibigay ang hustisyang isinisigaw ng mga kababaihang ito?
Sana intindihin na ang mapapait na alaala ay hindi mawawala at sa kanilang pakikibaka, lumabas ang tunay na matinding karahasang dulot ng giyera sa kabataan at kababaihan.



Comments