Higit na pag-iingat sa bagong normal
- BULGAR

- Jan 4, 2021
- 2 min read
Updated: Jan 9, 2021
ni Grace Poe - @Poesible | January 4, 2021
Hello, mga bes! Kumusta ang inyong Pasko at Bagong Taon? Sana’y naging masaya ang inyong pagdiriwang sa kabila ng lahat ng pagsubok na kinakaharap ng inyong pamilya.
Ang buong mundo ay alerto dahil sa panibagong variant ng COVID-19 na unang natuklasan sa United Kingdom dahil sinasabing mas mabilis itong kumalat. Nagsagawa na ang maraming bansa, kabilang ang Pilipinas, ng imposisyon ng travel ban sa mga maglalakbay mula sa UK. Bukod dito, nagtakda rin ng paghihigpit sa mandatory 14-day quarantine sa mga pasahero mula sa piling bansang nakapagtala ng kaso ng bagong strain ng nasabing virus. Kahit pa negatibo sa swab test, kailangan pa ring tapusin ang quarantine sa pasilidad na aprubado ng pamahalaan biglang dagdag na pag-iingat.
Samantala, nag-aabang ang lahat sa parating na bakuna laban sa COVID-19. Habang nakikita natin sa balita na nagsisimula na ang mauunlad na bansa tulad ng UK, Estados Unidos, at Canada sa pagbabakuna ng kanilang mamamayan, naghihintay pa rin tayo rito ng depinitibong sagot mula sa ating pamahalaan tungkol sa pagbabakuna. Mainit sa balita ang isyu ng pagbabakuna sa mga sundalong miyembro ng Presidential Security Group at ng ilang opisyal kahit pa hindi pa aprubado ng ating Food and Drugs Administration ang bakuna. Samantala, naghihintay ang taumbayan kung anong bakuna ang bibilhin ng pamahalaan at kung paano at kailan ito makararating sa kanila.
Malaking hamon ang 2021 sa atin dahil kailangan natin itong harapin na may pagtanggap na ito ang ating bagong normal lalo pa’t walang indikasyon na maisasagawa na ang pagbabakuna laban sa COVID-19 ngayong taon. Kailangan nating pag-ibayuhin ang ating pag-iingat: pagpapanatili ng social distancing, pagiging metikuloso sa kalinisan lalo na sa paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face masks at face shields kapag lumalabas, at pagpapanitiling matibay sa ating immune system para labanan ang pagdapo ng karamdaman. Tuloy pa rin ang buhay kahit may COVID-19. Tuloy pa rin ang pagkalam ng sikmura kaya kailangang magtrabaho para mabuhay sa kabila ng panganib.
Binabalaan ang publiko na mag-ingat sa mga naglalako ng smuggled na COVID-19 vaccines. Hindi tiyak ang kaligtasan nito. Baka sa halip na makabuti ito, magdulot pa ito ng kapahamakan. Ni walang garantiya na bakuna nga sa nasabing virus ang mga ito. Ilegal ang mga ito hindi lamang dahil hindi pa aprubado ng gobyerno kundi dahil walang nakaaalam ng kaligtasan nito. Huwag patulan ang ilegal na aktibidad ng mga taong nagsasamantala sa takot ng mga tao ngayong pandemya.








Comments