Higit 1.5 milyong bakuna, mapapaso na sa katapusan ng Hulyo
ni Fely Ng - @Bulgarific | July 22, 2022

Hello, Bulgarians! Ibinahagi ni Go Negosyo founder Joey Concepcion, na may 1,516,040 na bakuna sa COVID-19 ang mapapanis na sa katapusan ng Hulyo. Muli siyang umaapela sa Health Technology Assessment Council (HTAC) na payagan na ang pribadong sektor na mag-second booster. Ito, aniya ay makatutulong sa pagkamit sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ma-booster ang hindi bababa sa 23 milyong Pilipino sa loob ng kanyang 100-araw sa panunungkulan.
“Kung titingnan mo ang mag-e-expire na vaccines, ang daming pera nito,” sabi ni Concepcion sa ginanap na Pandesal Forum kamakailan. Ang mga nasabing vaccine ay binili ng pribadong sektor sa pamamagitan ng tripartite agreement na A Dose of Hope. Ang bawat AstraZeneca ay tinatayang nagkakahalaga ng hindi bababa sa US$5 bawat isa, habang ang Moderna ay binili sa humigit-kumulang US$27. Sa mga ito, 628,680 ang AstraZeneca at 887,360 ang Moderna, sa ilalim ng tripartite agreement, kalahati ng mga bakuna ay ibinahagi sa gobyerno.
“Napatunayan na ng pribadong sektor na handa itong magpabakuna. Hindi na sila kailangang pilitin dahil ayaw nilang magkasakit at maubos ang kanilang mga sick leave,” sabi ni Concepcion. Dagdag niya, bagamat mahalaga pa rin ang pagtuon sa mga first booster, ang mga bakuna ay binili ng pribadong sektor. “Dito ako nanghihinayang,” sabi niya.
Hinihiling niyang payagan ang mga second boosters para maprotektahan ang mga empleyadong hindi pa rin pinapayagang mag-second booster. “Parang walang sense of urgency,” sabi ni Concepcion. “Sinisikap ng gobyerno na gawin ang makakaya nito, ngunit mayroong mga medyo mabagal kumilos,” aniya. Iminungkahi niyang dapat gawin ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ang tungkulin ng HTAC pagdating sa mga bakuna.
Ang HTAC ang nagbibigay ng patnubay sa Department of Health (DOH) pagdating sa mga pangkalusugang interbensyon na popondohan ng gobyerno. Nauna na nitong inirekomenda na tanging ang mga healthcare worker, ang immunocompromised at mga taong higit sa 60 taong gulang ang maaaring mag –second booster laban sa COVID-19.
“Palagay ko ay dapat tayo ay lahat na nababahala para sa ating ekonomiya,” ani Concepcion. “Ang mga bakuna ay ang pinakamahalagang sandata rito,” sabi niya at ang pagresolba sa mga isyu sa patakaran sa second boosters ay makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya.
“Maraming empleyado at nagtatrabaho ang nasa labas ng edad na itinakda ng HTAC. Ngunit nahaharap sila sa panganib at nakalantad sa virus sa araw-araw nilang pagkayod,” sabi ni Concepcion.
Maraming bansa ang nagpahayag sa pakinabang ng second booster. Kabilang ang Australia at ang lalawigan ng Ontario ng Canada. Sa US, nagpaplanong payagan ang pangalawang COVID-19 boosters para sa lahat ng mga nasa hustong gulang. “Hindi ba dapat nating sundin ang mga bansang ito? Ang mga bakuna na ginagamit natin ay nanggaling sa mga bansang ito,” ani Concepcion.
Sa Pilipinas, ang second booster na gamit ang mga bakunang mRNA ay pinapayagan para lamang sa mga edad 60 pataas, healthcare workers at immunocompromised.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.



Comments