- BULGAR
High Speed Hitters, inilubog ang Army-BM sa semis ng PVL
ni Gerard Arce - @Sports |August 3, 2022

Hindi pinaporma ng PLDT High Speed Hitters ang mga atakeng ipinukol ng Army-Black Mamba Lady Troopers ng palubugin ito sa bisa ng straight set 25-22, 25-18, 25-21 kahapon sa pagsisimula ng semifinals ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Bumirada ang tandem nina middle blocker Mika Reyes at setter Rhea Dimaculangan na nagpaulan ng mga mahuhusay na atake upang padapain ang Lady Troopers sa buwenamanong handog ng five-game single round semis. Bumira ang dating DLSU Lady Spikers middle blocker ng 16 na puntos mula sa 15 na atake at isang block, habang namahagi si Dimaculangan ng 24 excellent sets at karagdagang 2 puntos.
“Siguro yung tiwala namin sa sarili namin at yung tiwala namin sa isa’t isa ang naging kase kami-kami lang yung maghuhugutan kaya laban na talaga,” pahayag ng 31-anyos na team captain ng PLDT na mas lalong maghahanda sa mga susunod na laro, kung saan sunod na makakatapat ang tinalo nila noong elimination na Cignal HD Spikers. “High morale kami pero hindi dapat mawala yung focus namin kase marami pang games na darating at mas paghahandaan namin,” dagdag ni Dimaculangan na nakaulit ng panalo sa Army noong Hulyo 23 sa four-set panalo sa preliminary round.
Sumuporta rin sina Dell Palomata na may 12pts, Toni Rose Basas sa 11pts at Fiola Ceballos na may triple double sa 10pts, 15 excellent digs at 14 excellent receptions.
Naging dikdikan ang ikatlong set ng pilit na nanlaban ng Lady Troopers upang maisalba ang isa pang set mula sa 0-2 pagkakalubog. Mula sa 14-18 na iskor, lumikha ng 6-2 run ang Army-Black Mamba sa pagtutulungan nina Nene Bautista, Mitch Morente at Sarah Jane Gonzales. Subalit pursigido ang PLDT na hindi na pahabain pa ang laro.