Higanteng bakbakan ng St. Clare at Enderun sa NAASCU Seniors
ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 8, 2022

Magkikita muli sa unang pagkakataon ngayong Miyerkules ang defending champion Saint Clare College of Caloocan at Enderun Colleges sa higanteng labanan ng mga walang talong koponan sa 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Seniors Basketball Tournament sa Novadeci Convention Center simula 5:00 p.m. Parehong umakyat sa kartadang 4-0 ang Saints at Titans matapos ang magkahiwalay na panalo noong Lunes ng gabi.
Sumandal ang Enderun sa mainit na laro ng mga beteranong sina Joaquin Mariano at Francisco Tancioco upang maukit ang 78-71 panalo sa palaban na AMA University. Nilampasan ng Saint Clare ang hamon ng Our Lady of Fatima University, 57-50, sa sumunod na laro.
Kumilos sina Tancioco at Mariano sa second quarter upang burahin ang 22-17 lamang ng AMA at itinabla ni Tancioco ang iskor sa kanyang three-points bago ang halftime, 38-38. Hindi pa tapos ang dalawa at nagsama upang itayo ang pinakamalaking lamang bago matapos ang 3rd quarter, 62-52, at mula roon ay inalagaan nila ito ng mabuti kahit saglit na pumalag ang Kings.
Nagtapos si Mariano na may 25 puntos at 16 rebound habang 23 puntos si Tancioco mula sa anim na tres. Sinuportahan sila ni guwardiya Sherfrazkhan Abdullah na may 16 puntos.
Namuno sa Saints si John Edcel Rojas na may 11 puntos. Double-double ang reserbang si JJ Manacho na 10 puntos at 14 rebound habang 10 puntos din si Drick Acosta.
Ang Saint Clare at Enderun ang nagtagisan para sa kampeonato ng 19th NAASCU noong Oktubre, 2019. Sinagad hanggang Game 3 ang serye at inuwi ng Saints ang ika-5 sunod at kabuuang ika-anim na kampeonato sa NAASCU Seniors.





Comments