Heritage, panalo sa PHILRACOM Handicap
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | July 25, 2022
Nakapanood agad ng magandang karera ang mga karerista matapos manalo ni Heritage sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa Race 1 kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Nirendahan ni class A rider O'Neal Cortez, nirehistro ni Heritage ang tiyempong 1:00.4 minuto sa 1,000 meter race sapat upang hamigin ang added prize na P50,000.
Dumating na segundo si Mr. Manilenial habang third at fourth sina Iron Hook at Pilya ayon sa pagkakasunod sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, nagdeklara ng pagsali si Noon Charm sa 2022 PHILRACOM "2-Year-Old Maiden" stakes race na ilalarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa susunod na buwan.
Nakatokang hinete kay Noon Charm ay si John Paul Guce sa distansyang 1,400 meter race.
Bukod kay Noon Charm, ang ibang nagsaad ng pagsali ay sina Jaguar, Love Radio, Malibu Bell, Secretary at Sky Magic.
May guaranteed prize na P1M na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta.
"Puwedeng maging kampeon balang araw ang mga kasali kaya magandang laban ang masisilayan natin," saad ni Michael Velasco, veteran karerista.
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P600,000, sisikwatin ng second placer ang P225,000 habang tig-P125,00 at P50,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.





Comments