Hepe ng DOE, dapat eksperto at may sapat na karanasan
- BULGAR
- May 29, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | May 29, 2022
Marami ang nag-aantay kung sino ang itatalaga ni P-BBM bilang hepe ng Department of Energy (DOE).
Mahalaga kasi na matupad ang plataporma na mapababa ang presyo ng petrolyo at mapaliit din ang singil sa konsumo ng elektrisidad.
◘◘◘
MAIPATUTUPAD lamang nang maayos ang plataporma kung eksperto at may sapat na karanasan sa DOE ang maitatalagang hepe rito.
Siyempre, alam at mulat siya sa diskarte at pasikot-sikot.
◘◘◘
KAMAKAILAN kasi ay tinalakay ng isang energy official ang sitwasyon sa buwanang singil sa elektrisidad at maging ang walang humpay na pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Napakalinaw ang ibinigay na paliwanag hinggil dito.
◘◘◘
AYON mismo kay Energy Undersecretary Benito Ranque, kayang kaya naman pababain ora-mismo ang presyo ng langis hanggang P3.26 kada litro.
Mapababa rin agad ang buwanang singil sa konsumo ng elektrisidad ng mga pobreng Pilipino nang hindi na kailangan pang suspendihin ang excise at value-added tax na ipinapataw ng gobyerno.
Napakaganda n'yan.
◘◘◘
SA pagtataya ni Ranque, posibleng matapyasan agad ng P3.26 ang presyo kada litro ng gasolina at P1.40 naman sa krudo kung didinggin ng Kongreso ang kanyang panawagang pagbalangkas ng isang joint resolution ng Kongreso.
Itinatadhana sa joint resolution ang suspensyon ng Biofuels Act of 2006 na nagtatakda ng ‘additives’ sa mga produktong petrolyo.
◘◘◘
BINIGYAN-DIIN ni Ranque na dagdag-pasakit lang sa mga sektor ng public transportation at mga industriya ang bio-ethanol na inihahalo sa mga produktong petrolyo sa merkado.
Sa pagsasaliksik, hindi talaga kailangan ng mga pampasaherong jeep at bus ang additive na ginagamit lang para itaas ang antas ng road performance ng mga “high-end cars”.
◘◘◘
“THOSE additives should be made an option. Hindi naman talaga kailangan ng mga pampasaherong dyip at bus ang additives. Those additives are meant to induce performance ng mga mamahaling sasakyan,” wika ni Ranque.
Ibig sabihin, hindi kailangan magtanggal ng buwis para lamang mapababa ang presyo ng petrolyo.
◘◘◘
SA elektrisidad, dapat na palawakin lang ang mekanismo ng lifeline subsidy tungo sa P800 mula sa P400 para sa mga konsiyumer na kumokonsumo ng 100 kilowatts kada buwan.
Malaking tulong 'yan sa hanay ng mga ordinaryong Pinoy.
◘◘◘
MALINAW na may solusyon at diskarte si Ranque kumpara sa dalawang pumopostura bilang energy chief na sina Rep. Mikey Arroyo at ERC boss Agnes Devanadera.
Sana’y masapol ni P-BBM ang epektibo at angkop na kalihim sa DOE na magpapatupad ng kanyang plataporma-de-gobyerno.








Comments