top of page
Search
  • BULGAR

Heat at Orleans, sakalam Bulls at Kings, binigo

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 20, 2024




Kahit lumiban ang kanilang mga bituin, wagi ang Miami Heat at New Orleans Pelicans sa kanilang mga hiwalay na kalaro upang kolektahin ang huling mga upuan sa 2024 NBA Playoffs sa pagwawakas ng SoFi Play-In Tournament kahapon. Tinambakan ng Heat ang Chicago Bulls, 112-91, na sinundan ng 105-98 tagumpay ng Pelicans sa Sacramento Kings.


Napilay ang tuhod ni Jimmy Butler sa 104-105 talo ng Heat sa Philadelphia 76ers noong isang araw. Tinakpan ang nalikhang puwang ni rookie Jaime Jaquez na bumuhos ng 8 puntos sa first quarter para itulak ang Miami sa 34-17 lamang at hindi na sila lumingon.


Hindi pa tapos si Jaquez at tinuldukan niya ang kanyang laro sa dalawang free throw na nagtayo ng 99-70 at 7 minuto pa ang nalalabi. Nagtapos si Jaquez na may 21 puntos habang kinapos ng isang assist para magkaroon ng triple double si Tyler Herro na may 24 puntos at 10 rebound.


Haharapin na ng Heat ang numero uno ng buong NBA Boston Celtics sa seryeng best-of-seven. Noong nakalipas na tatlong taon, ang dalawang prangkisa ang naging laman ng Eastern Conference Finals.


Tulad ng Miami, nawala sa New Orleans si Zion Williamson na napilitang umupo sa huling 3 minuto ng kanilang 106-110 talo sa Los Angeles Lakers. Sumandal ang Pelicans kay Jonas Valanciunas at reserba Larry Nance Jr. na nagsama para sa 13 puntos sa 2nd quarter para sa 54-45 bentahe at hindi nila ito binitiwan.


Humataw para sa 15 ng 24 puntos sa 2nd half si Brandon Ingram para maalagaan ang lamang. Tumulong si Valanciunas na double-double na 19 at 12 rebound.


Naghihintay sa Pelicans ang numero uno ng Western Conference Oklahoma City Thunder. Magsisimula agad ang Playoffs ngayong araw tampok ang mga serye ng Orlando-Cleveland at Philadelphia-New York sa East at LA Lakers-Denver at Phoenix-Minnesota sa West.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page