Health Sec. Duque, walang pagsisisi sa isyu sa DOH
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 9, 2022
KAPAG NAKASUHAN AT NAKULONG, MAGSISISI RIN SI HEALTH SEC. DUQUE--Sabi ni Health Sec. Francisco Duque III ng Department of Health (DOH), hindi niya pinagsisihan ang pagbigay ng P42 bilyon pondo ng DOH sa Procurement Service (PS)-Dept. of Budget and Management (PS-DBM), na kalauna'y nabisto na ang higit P12 bilyon dito ay na-scam ng Pharmally Pharmaceutical Corp., kumpanyang pag-aari ng mga wanted sa Taiwan na may kasong fraud at may konek kay Michael Yang na best friend naman ni P-Duterte.
Sa ngayon ay may lakas talaga ng loob si Duque na magsabi nang ganyan, pero sa oras na siya ay masampahan ng kasong plunder, tulad ng rekomendasyon ng Senado at kapag nakulong, itaga n'yo sa bato, magsisisi na 'yan, period!
◘◘◘
DAHIL IBINIDANG TUMULONG SA KAMPANYA NIYA SI TETAY, BINASH NG MGA LOYALISTS AT DDS SI ROBIN PADILLA--Binash ng mga Marcos loyalists at DDS si actor-Senator-elect Robin Padilla sa kanyang pag-amin na kaya marami siyang nakuhang boto at nag-rank number 1 ay dahil sinuportahan siya ni Kris Aquino.
Maba-bash talaga si Robin kasi ipinagmamalaki ng mga Marcos loyalists at DDS na boto nila ang nagpanalo sa actor, tapos ibinibida ng aktor na kaya siya nag-rank number 1 sa senatorial election ay dahil sa tulong ni Tetay, boom!
◘◘◘
NAGDAGDAG-SUWELDO NGA, PERO NAGTAAS NAMAN NG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN--Matapos aprubahan ng pamahalaan ang dagdag-suweldo sa mga manggagawa ay pumalo na sa 5.4% ang inflation rate sa bansa, na ang ibig sabihin sobrang mahal na ang presyo ng mga bilihin at mga bayarin sa kuryente at tubig.
Ang masaklap, kapos ang ibinigay na dagdag-suweldo sa mga manggagawa kung sa sobrang mahal ng presyo ng mga bilihin at bayarin ang pag-uusapan.
Kumbaga, parang hinimas-himas (sa dagdag-suweldo) muna ng pamahalaan ang batok ng mga manggagawa, at saka binatukan sa ipinataw na mahal ng presyo ng mga bilihin at bayarin, saklap!





Comments