Health protocols sa Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church, ‘wag hayaang malabag
- BULGAR

- Jan 4, 2021
- 2 min read
Updated: Jan 9, 2021
ni Ryan Sison - @Boses | January 4, 2021
Tulad ng mga nakaraang okasyon, ibang-iba rin ang magiging pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno ngayong taon dahil pa rin sa banta ng COVID-19 pandemic.
Malayung-malayo sa taun-taong tradisyon, wala munang dagsang deboto para sa Traslacion o parada ng Poong Itim na Nazareno na inaabot nang ilang oras.
Kaya naman bilang paraan para kahit paano ay maipagdiwang pa rin ang pista ng Itim na Nazareno, labinlimang misa ang isasagawa sa Quiapo Church sa Enero 9, Sabado, ayon kay Rev. Msgr. Hernando Coronel, rector ng Minor Basilica of the Black Nazarene.
Ito ay upang maiwasan ang pagdagsa ng mga deboto sa Quiapo Church dahil kamakailan, libu-libong deboto na ang dumalo sa First Friday mass.
Bagama’t nangamba ang simbahan sa posibilidad na malabag ang umiiral na health protocols vs. COVID-19, maayos namang naidaos ang misa at mahigpit na nabantayan ang safety protocols sa tulong ng kapulisan, barangay at kanilang mga kasamahan.
Sa Enero 9, ang misa ay magsisimula ng alas-4:30 ng madaling-araw, habang magkakaroon naman ng 8 LED screen stations kung saan magbibigay ng communion, habang ang huling misa naman ay gaganapin sng alas-10:15 ng gabi.
Gayunman, para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao, walong misa ang isasagawa sa Sta. Cruz Church, anim na misa sa San Sebastian Church at tatlo naman sa Nazarene Catholic School.
Nakakalungkot dahil ngayong taon, wala ang ating nakasanayang tradisyon. Ngunit nakatutuwa dahil kahit paano ay nakaisip ng paraan ang simbahan para maitaguyod nang mapayapa ang pistang ito.
Pero ilang araw bago ang isasagawang mga misa, hiling natin na sana’y matupad pa rin ang health protocols sa tulad ng nangyari noong First Friday.
Tayo namang mga deboto, magkusa tayong sumunod sa kautusan at ‘wag nang hintaying masita bago pa sumunod.
Ibang-iba man ang paraan ng ating pagdiriwang ngayong taon, tiyakin nating magiging payapa ito at hindi magiging rason ng hawaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments