HD Spikers, inisahan agad ang Army-Black sa PVL semis
ni Gerard Arce - @Sports | August 7, 2022

Natakasan ng Cignal HD Spikers ang dikdikang laro laban sa Army-Black Mamba Lady Troopers na umabot ng fifth set sa 26-24, 26-28, 25-18, 18-25, 16-14 upang makuha ang kanilang unang panalo sa semifinal round ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa Ynares Center sa Antipolo City, kahapon.
Nagpakawala ng mabibigat na hataw si middle blocker Ria Meneses sa kabuuang 23 puntos mula sa 21 atake at 2 blocks upang putulin ang three-game losing streak ng koponan at ihatid sa delikadong sitwasyon ang Army-Black Mamba na nakuha ang ikatlong sunod na pagkatalo sa semis at kabuuang apat na pagkabigo sapol noong eliminasyon.
Nakakuha ng matinding suporta ang 26-anyos na dating UST Golden Tigresses stalwart mula kay Frances Molina na rumehistro ng triple double sa 16 puntos, 22 excellent receptions at 16 excellent digs, habang may double-double ang team captain na si Rachel Anne Daquis sa 15pts at 10 excellent digs, gayundin ang mahusay na pamamahagi ng plays ni Maria “Gel” Cayuna na may 39 excellent sets.
Tumangging bumigay sa mga huling bahagi ng laro ang parehong koponan na kahit tangan ng Cignal ang kalamangan sa fifth set mula sa 14-11 kasunod ng error ni Ging Balse-Pabayo, patuloy pa ring lumaban ang matikas na Army-Black Mamba nang isalba ng atake ni Sergeant Jovelyn Gonzaga, na sinundan ng block ni setter Ivy Perez sa hataw ni Ces Molina at ang krusyal na error ni Meneses para mapunta sa 14-14 ang laro.
Nasayang ng itinala ni Gonzaga sa 21pts mula sa 20 atake, na sinegundahan ni Bunag sa 18pts (17 atake) at Nerissa Bautista sa 10pts na namemeligrong malaglag sa semifinals dahil sa pananatiling bokya sa panalo na nalalabing kalaro na lamang ang Philippine national squad at Taipei King Whale sa maigsing limang laro, habang kakaharaping sunod ng Cignal ang Taipei King Whale sa Lunes sa MOA Arena at PhL national squad sa Miyerkules at Creamline Cool Smashers sa Biyernes.





Comments