HD Spikers, Chargers at Angels, magpapatibayan
- BULGAR
- Jul 23, 2024
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | July 23, 2024

Mga laro ngayong araw
1 p.m. – ZUS Coffee vs Cignal
3 p.m. – Choco Mucho vs Akari
5 p.m. – Capital1 vs Petro Gazz
Kapwa hangad ng Cignal HD Spikers, Akari Chargers at defending champions Petro Gazz Angels na maipagpatuloy ang kanilang maagang pagsososyo sa liderato sa Pool B sa ikalawang linggo ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pare-parehong nakakuha ng unang panalo ang tatlong koponan sa opening week ng kumperensya ng walisin ng Cignal ang last conference runner-up na Choco Mucho Flying Titans sa 25-18, 25-21, 25-16, gayundin ang Akari na kinuryente ang Capital1 Solar Spikers sa 25-18, 27-25, 22-25, 25-14, habang madaling nakakuha ng panalo sa straight set ang Petro Gazz laban sa Zuss Coffee Thunderbelles sa 25-16, 25-21, 25-21 nung Huwebes ng hapon.
Unang sasalang ang HD Spikers laban sa Thunderbelles sa pambungad na paluan sa ala-1:00 ng hapon, na susundan ng Chargers kontra sa mas pinatatag na Flying Titans sa alas-3:00 ng hapon at powerhouse na Angels kaharap ang Solar Spikers sa alas-5:00 ng hapon.
Muling sasandal ang Cignal kay import Maria Jose Perez na lumista ng 22 puntos mula sa 19 atake, dalawang aces at isang block, habang pipilitin ring iangat ni Asaka Tamaru ang Thunderbelles matapos all-around performance sa 17 puntos na ratsa para sa 15 atake at dalawang blocks kasama ang walong receptions at limang digs.
Muling namang magkikita ang Akari at ang dating manlalaro na si Dindin Santiago-Manabat para sa Flying Titans na umiskor ng walong puntos mula lahat sa spikes kontra Cignal. Subalit makakatapat nito si Ivy Lacsina na kumubra ng 20 puntos mula lahat sa kills katulong si import Oluoma Okaro na may 16 puntos mula sa 14 atake at tig-isang ace at blocks.
Comments