Happy Valentine's Day, ingat sa love scam!
- BULGAR
- Feb 14, 2023
- 1 min read
@Editorial | Pebrero 14, 2023
Maligayang Araw ng mga Puso, mga ka-BULGAR! Kung hindi masyadong happy ang love life, okay lang 'yan, nar'yan ang ating pamilya at mga kaibigan na laging nagmamahal at walang hinihinging kapalit.
Hindi tulad nitong mga nagkalat na scammer na panloloko ang ginagawa sa kapwa. Walang konsensya, mapanakit!
Isang babae na naman ang nabiktima ng 'love scam'. Aniya, niloko at kalauna'y kinikilan siya ng isang dayuhan.
Nakilala umano niya itong African American sa isang dating app, ngunit ang halos dalawang linggong pag-ibig ay nauwi sa matinding bangungot.
Isang araw bago ang kanilang pinlanong weekend getaway sa probinsya, nakatanggap siya ng mensahe galing sa lalaki habang ito raw ay nasa furniture store. Kailangan daw nito ng pera dahil ayaw gumana ng kanyang mga card. Nang hindi raw siya nagpadala ng pera, nagsimula nang manakot ang dayuhan. Kung hindi umano siya magbibigay ng P40,000 ay ikakalat nito ang kanyang nude photos sa Facebook.
Ang ganitong diskarte ay tinatawag umanong "classic" catfishing. Ito ay ang paggawa ng fake online account or profile para makapambiktima o para kumita ng pera.
Kaya laging mag-ingat at maging mapanuri. Huwag na huwag basta ibigay ang personal information, lalo na sa mga nakikilala lang online.
Kapag ang online boyfriend ay nanghihingi na ng pera, red flag 'yan, malamang ay scam na 'yan.
Huwag magpadala sa drama, kontrolin ang emosyon. Hindi masamang magtiwala pero pag-isipang mabuti ang sitwasyon, lalo na ang taong pagkakatiwalaan.
Sa panahon ngayon na maraming uhaw sa pera at pumapasok sa iba't ibang uri ng modus operandi, kailangan nating maging mas mautak.
Panawagan naman sa mga awtoridad, galingan pa natin ang pagtugis sa mga scammer na 'to. Ayaw paawat at marami pa ring nabibiktima.


Comments