Hannah Rosa, humalimuyak
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | March 8, 2022
Bumilib ang mga karerista sa ipinakitang husay ni Hannah Rosa matapos nitong manalo sa Condition Race (24) noong Linggo ng hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas.
Sinakyan ni jockey AS Pare, kulelat sa largahan si Hannah Rosa habang nasa unahan ang matutulin na sina Geneva, Star Of Kidapawan at Pagbabago.
Nasa hulihan pa rin si Hannah Rosa pagdating ng far turn subalit habang papalapit sa huling kurbada ay umiinit na ang remate ng winning horse.
Sa rektahan nasilayan ng mga karerista ang lakas ng pagremate ni Hannah Rosa at nanalo ito ng may isa't kalahating kabayo ang distansiya sa pumangalawang si Boy'sofmeadow's.
Samantala, napa-angat sa kinauupuan ang mga karerista dahil sa makapigil-hiningang laban at panalo ni Rain Man sa 2022 PHILRACOM 3-Year-Old Maiden Stakes Race na kinasa sa parehong lugar.
Lumabas na pang-apat sa largahan si Rain Man na sinakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate habang naglulutsahan sina Dr. Rap at Sir William.
Nakasunod si Rain Man kay Double Shot na nasa tersero puwesto at saka umusad papalapit sa unahan ang winning horse pagsapit ng far turn. Papasok ng hometurn ay nagbabakbakan pa rin sa unahan sina Dr. Rap at Sir Williams habang tersero puwesto na si Rain Man.
Bandang rektahan umagaw ng unahan si Rain Man pero hindi naging madali ito dahil sinasabayan din siya ni Sir Williams.
Nasa 10 metro na lang ang laban nang lampasan ni Rain Man si Sir Williams sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Inilista ni Rain Man ang tiyempong 1:26.2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang masilo ang P720,000 na premyo.





Comments