Search
  • BULGAR

Hangga’t may mga drug lord na protektado ng mga pulitiko at opisyal ng gobyerno...

Tuloy lang ang droga!!!

@Editorial | February 23, 2021



Nang magsimula ang administrasyong Duterte, nagsimula rin ang giyera laban sa ilegal na droga.


Marami-rami na rin ang nahuling drug suppliers, tulak at adik, habang ‘yung iba, namatay na — maaaring namatay dahil sa onsehan sa droga o nanlaban sa pulisya.


Dahil nabanggit na ang pulisya, ito naman ang isa sa pinakamasaklap na katotohanan sa gitna ng drug war. Mismong mga pulis ay sangkot din sa ilegal na gawain. Kung hindi protektor, suma-sideline namang pusher o kaya mismong sila ang nagdodroga.


Tulad nitong 18 mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na mga bagong nagpositibo sa drug test. Ayon sa PNP Crime Lab, 17 sa naturang bilang ay mga police officers habang isa naman ang non-uniformed personnel. Naturingang mga opisyal, mga adik pala.


Paano mauubos ang mga lulong sa bawal na gamot kung silang mga inaasahang tagapagpatupad ng batas laban dito ay sila pang pasimuno?


Epektibo pa bang babala ang sibak sa serbisyo at kaso sa mga ganitong kalokohan? Baka tulad ng ibang nahuhuli sa drugs, eh, pinagtatawanan na lang din nila ang batas? Marahil ay kailangan na ng mas mabigat na parusa, ‘yung wala nang mangangahas na sumubok na pumasok sa anumang ilegal na gawain.


Kahit maya’t maya ang drug testing kung nariyan pa rin ang mga drug lord, nakangisi dahil protektado ng mga pulitiko o opisyal ng gobyerno, hindi magtatagumpay ang war on drugs.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.