Hanapin ang makabuluhang pagkilos tungo sa paghahanap ng linaw at direksyon ng nais gawin
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 14, 2022
Lumuha ang ‘di mabilang na mamamayan nang mabilis na dumating ang resulta ng halalan para sa mga kandidato sa pagka-presidente at bise presidente.
Malaki, napakalaki ng lamang nina BBM at Sara kina VP Leni at Sen. Kiko. Wala pang dalawang oras mula nang magsara ang mga presinto ay halos naipahayag na ang malinaw na pagkalamang ng mananalo sa pagka-presidente at bise.
Wala kaming kamalay-malay sa mga sandaling iyon dahil sa munting kaguluhang nagaganap sa pagitan ng ilang mga kinatawan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting at ang Chairperson ng Board of Election Inspection.
Malalakas ang boses ng mga nasa loob ng pansamantalang tanggapan ng Chairman ng BEI. Sinubukan kong mamayapa sa mga nagkakainitang tao sa loob ng kuwarto. Nang magsalita ako, inabot din ako ng sigaw. Hindi na ako nagpumilit magsalita. Tahimik na lang akong umalis. Hindi pa ako nagtatagal na lumayo nang tila meron na namang ibang mga nagtataasan ng tinig. Sumilip ako at nakita ko ang isang bata’t matipunong lalaki na nakikipagsigawan sa Chair ng BEI. Napag-alaman kong abogado ang batang lalaki, at kasamahan ito ng isang batang abogadong babae na diumano’y nasigawan din ng Chairman ng BEI. Mabuti na lang at dumating ang principal ng paaralan na namagitan sa mga nagsisigawang mga opisyal.
Bandang alas-4:00 ng hapon, nadalaw ko naman ang isang presinto sa karatig paaralan. Mula alas-6:00 ng umaga, dumagsa na ang mga botante sa naturang presinto. Nang nagsimula na ang botohan at nakumpleto nang markahan ng ilang botante ang kanilang mga balota ay isa-isa nang pumila ang mga ito sa harapan ng Vote Counting Machine (VCM), bigla namang nagloko ang VCM. Tumawag agad sa Comelec ang mga opisyal ng presinto. Nangako ang Comelec na magpapadala ng isang gumaganang VCM na sa Laguna pa manggagaling. Alas-4:00 na ng hapon at wala pa ang VCM. Mahaba pa rin ang pila dahil ayaw ng mga botanteng pumirma ng waiver na nagsasabing pumapayag silang iwanan ang kanilang mga balota at ipagkakatiwala ang pagsubo nito sa mga VCM sa mga opisyal g Comelec at PPCRV. Kinausap ko ang ilang mga pagod, galit at gutom na botante. Nagtanong ang mga ito kung bakit ganito ang nangyayari sa kanilang presinto. Wala akong masagot kundi sana, sana parating na ang inyong hinihintay na VCM.
Naubos na ng dalawang pangyayari ang aking buong hapon kaya’t hindi ko na nasubaybayan ang mga unang pag-ulat ng resulta ng halalan. Nang iwanan ko na ang pangalawang presinto na merong nagkakainitang mga opisyal, halos alas-10:00 na ng gabi. Nalaman ko na lang na wala pang alas-9:00 ng gabi nang iulat na ang napakalaking lamang ng nangunguna sa pagka-presidente at bise presidente sa kasunod nilang kalaban.
Simula nang sandaling malaman ko ang nangyayari, nagsimula na akong tumanggap ng tawag sa mga kaibigan na umiiyak, nagagalit at nagtatanong, “Ano ang ating maaaring gawin Father? Wala akong masabi dahil pinipigil ko lang din ang aking damdamin. Nagpuputok din ang aking dibdib sa lungkot at dalamhati. Pawang nalulunod ako ng pagdaloy ng luha mula sa tumatangis at nagtatanong na puso. Bakit po ganito kabilis ang pag-uulat? Tila kasasara lang ng mga presinto at hindi pa nata-transmit ang mga Election Returns sa mga opisyal na bilangan ng Comelec sa Philippine International Convention Center at ng PPCRV sa University of Sto. Tomas.
Tuluy-tuloy ang pag-uulat ng mga pumapasok na resulta. Tuluy-tuloy din ang paglaki ng lamang ng nangunguna. Tuluy-tuloy din ang pagtawag sa akin ng mga taong nagdadalamhati, galit o pagod na pagod na. Wala akong magawa kundi makinig at makiramay dahil ganundin ang aking nararamdaman.
Kinabukasan ang ika-11 Miyerkules ng aming pagtatanod sa Comelec. Nagdasal kami sa umaga at inabot doon ng mga galit at namamahayag na mag-aaral ng UP Manila. Nakatutuwa’t nakakatakot ang dagundong ng kanilang galit na tinig na tinutuligsa ang katatapos pa lang na halalan.
Noong hapon naman dumating ang humigit-kumulang 40 kabataan na naka-itim. Malungkot at malinaw na apektadong-apektado sila ng resulta ng halalan. Tinipon ko ang mga kabataan at binigyan ko ang mga ito ng simpleng “Grieving Therapy” o ng paghihilom ng pagdadalamhati. Pinagbahagi ko ang ilan sa kanila. Umiyak ang ilang nagbahagi. Umiyak din ang mga kabataang nakikinig. At nang matapos magbahagi ang ika-5 kabataan merong dalawang nakatatandang nagbahagi.
Sa hulihan tila hindi lang ang mga nagbahagi ang nahimasmasan kundi ang lahat ng kabataang nakikinig.
Aking tinanong sa mga kabataan, na ang karamihan ay mga bagong botante:
PAGKATAPOS NG PAGLUHA ANO NA ANG ATING GAGAWIN?
Kailangan nating magdasal at manahimik.
Kailangan nating magbahagian, makinig at damayan ang bawat isa sa pagdadalamhati.
Kailangan nating aninagin ang kalooban ng Diyos.
Kailangan nating tuklasin ang malikhain at mapayapang pagkilos para maipahayag ang ating galit at pagkadismaya.
Kailangan nating hanapin ang makabuluhan at mabungang pagkilos tungo sa paghahanap ng linaw at direksyon ng ating nais gawin.





Comments