Hamon sa SOCMED influencers, maglabas ng content na may quality
- BULGAR
- Feb 6, 2024
- 1 min read
@Editorial | Pebrero 6, 2024
Kahit sino ay puwedeng maging content creator o social media influencer pero hindi lahat ay nakikitaan ng husay o kalidad sa kanilang mga ipino-post.
May mga basta lang may mai-post, meron ding gusto lang sumikat habang ang karamihan naman ay nakikita itong oportunidad para kumita ng pera.
Ang problema, may ibang content na hindi maganda ang hatid sa netizens. Nagkalat ang fake news, ilegal na sugal, paninira sa kapwa, pakikisawsaw sa maruming pulitika at marami pang iba.
Kaugnay nito, inihayag ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pagbuo nila ng competency standards sa content creation, na magagamit ng mga training center bilang batayan sa mga programang iaalok sa mga estudyante.
Binuo umano ang competency standards kasama ang Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas Inc. na naglalayong ituro ang mga kasanayang kailangan para makagawa at mamahagi ng content sa social media.
Kinabibilangan ito ng paggawa ng mga konsepto para sa pag-post sa social media, paglikha ng content para sa naturang konsepto at kung paano ibahagi ang nasabing content.
Sa pamamagitan ng kurso, matutugunan umano ang pangangailangan para sa quality training na magtutulak sa mas maraming Pilipino na pumasok sa content creation, at maituro kung paano pagbutihin ang quality ng content na kanilang ina-upload online.
Masasabing malaking tulong ito para hindi tuluyang lamunin ng masamang sistema ang social media.
Kailangang maging responsable sa mga ipino-post dahil anumang nababasa o napapanood online ay tiyak na may epekto sa ating buhay at sa paniniwala ng ating kapwa.


Comments