Hamon sa mga opisyal sa barangay, pumalag sa droga
@Editorial | June 26, 2023
Patuloy sa pagpapatupad ng mga strategic measure ang Philippine National Police (PNP) para malinis ang bansa mula sa illegal drugs.
Ayon sa mga awtoridad, 8,288 na barangay pa ang apektado ng impluwensiya ng droga. Kung saan, nalinis na umano ang 76.67% ng 35,356 na apektadong mga barangay mula sa mahigit 42,000 sa buong bansa.
Ang pinakamalaking bilang ng drug-cleared ay sa Calabarzon na nasa 97.06%, sinundan ito ng Cagayan Valley region na nsa 95.55% at Cordillera region na nasa 95.22%.
Nasa 94.52% naman ang drug clearance rate sa Eastern Visayas habang sa Central Mindanao ay nasa 89.37%
Kaugnay nito, kinikilala ang Barangay Drug Clearing Program na ipinatupad noong Hulyo 2016 nang ilunsad ito ng nakaraang administrasyon.
Sa ngayon, masasabing malaking hamon pa rin lalo na sa mga susunod na opisyal ng Barangay ang problema sa droga.
Kailangang palagan ang mga nagpapakalat ng drugs na sumisira sa pamilya at kinabukasan ng kabataan.
Kung talagang nais nating mapabuti ang ating mga ka-barangay, bukod sa mga programang pangkabuhayan, kailangan din ng mga hakbang laban sa pagsugpo sa masasamang gawain.
Kaya sa mga nagpaparamdam o may kagustuhan talagang maglingkod sa mamamayan, tanungin muna ang sarili, kaya ko bang pangunahan ang laban sa ilegal na droga? Kaya ko bang banggain ang mga sindikato?



Comments