Hamon sa kabataan… VICE: IPANALO ANG LIDER NA ‘DI KAYO NANAKAWAN AT GAGAWING BOBO!

ni Mercy Lejarde @Talkies | September 15, 2026

Photo: Vice Ganda sa UAAP Season 89 - IG
Nagpahayag ng mensahe at hamon sa kabataan ang Unkabogable Star na si Vice Ganda sa pagbubukas ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 89 noong Setyembre 12 sa Mall of Asia (MOA) Arena.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Vice ang kabataan na ipaglaban ang lipunan.
Ani Vice, “Kaya naman ang hamon ko sa inyo, ipanalo ninyo ang lipunang magbibigay sa inyo ng disenteng pamumuhay at kalayaang magtagumpay.
“At mangyayari lamang ‘yan ‘pag naipanalo ninyo ang mga lider na ‘di kayo nanakawan, ‘di kayo gagawing b*bo, at ‘di ilulubog ang inyong dangal at pag-asa sa baha.
“Kaya naman, Gen Zs, I challenge you to fight, show up and win no matter what.”
Very well said, Vice! Big tumpak ka r’yan!
Dingdong, jackpot sa misis…
MARIAN, MAPAGMAHAL SA PAMILYA
MAHAL na mahal ng aktres na si Marian Rivera ang kanyang lola, kaya naman nagpahayag siya ng isang taos-pusong mensahe para rito sa kanyang Instagram (IG) post.
Ani Marian, “Happy Grandparents’ Day to the woman who raised me.
“Nanay, I’m proud of who I am today because of the love, strength, and values you raised me with. I may have my flaws and weaknesses, but I’ll always be grateful for the woman you helped me become.
“Forever proud to be your apo, and proud to be a Caviteña. I love you, ‘Nay.”
In fairness kay beautiful Marian Rivera, napakamapagmahal niya sa kanyang dearest grandma.
Kaya naman super-suwerte ng kanyang mister dahil isa siyang misis na family-oriented at mapagmahal sa pamilya. Hindi tulad ng iba riyan na pati sa social media ay nakikipagbardagulan sa kamag-anak ng dyowa.
Well, batu-bato sa langit, ang tamaan, huwag magalit.
Peace lang, mga bes.
NAGLULUKSA ngayon ang aktres na si Rio Locsin dahil sa pagpanaw ng kanyang minamahal na alagang aso na si Brusco.
Sa social media post ni Rio, ibinahagi niya ang isang larawan kung saan makikita siyang mahigpit na yakap ang kanyang alaga.
Kalakip nito ang isang emosyonal na mensahe: “August 26, 2026… Inaantay ko ang pag-uwi mo, pero sana ay ‘di ganito...
“Salamat sa pagdating sa buhay ko, salamat sa pagmamahal, salamat sa labing pitong taon na katabi ka sa pagtulog namin...
“Sana, napasaya kita. Sana, naramdaman mo ang mga yakap at halik ko. Sana, ‘di ka nahirapan at nakaranas ng sakit sa mga pinagdaanan mo nitong mga huling araw.
“Sa aking baby boy, Super G, Brusco Baby, ‘di kita malilimutan...
“Sobrang miss kita, araw-araw… Finally, you're home...”
Samantala, sa comment section ng post ni Rio ay nagpaabot din ng pakikiramay ang It’s Showtime (IS) host at aktres na si Anne Curtis.
“Condolence, Tita. Big hug,” saad ni Anne.
Anyway, my condolences, Rio. Run free, Brusco.
MAY mensahe ng tapang at pag-asa para sa mga kapwa-GenZs ang rising singer-songwriter na si Shawn Crab sa kanyang bagong single na Ocean.
Isinulat mismo ni Shawn at ipinrodyus ni StarPop label head Roque ‘Rox’ Santos ang uplifting love song, na ginamit ang malawak at malalim na karagatan bilang simbolo ng buhay at mga bagay na walang kasiguraduhan.
Sa edad na 17, unti-unting hinuhubog ni Shawn ang kanyang sariling pagkakakilanlan bilang artist sa pamamagitan ng mga kantang nagmumula sa kanyang emosyon, karanasan, at pananaw sa buhay.
Mula US, nananatili na ngayon ang anak ng actress-comedienne na si Cheena Crab sa Pilipinas upang sundan ang kanyang pangarap na maging musician at mas pagtuunan ang kanyang hilig sa pagsusulat at paglikha ng musika.
“Why would I give up as an artist if every song I write is one step closer to my dream?” pahayag niya sa social media.
Nagsimula ang musical journey ni Shawn nang matuto siyang tumugtog ng piano sa edad na 10 at nagsimula naman siyang magsulat ng sariling mga awitin sa edad na 11. Kabilang sa kanyang musical influences sina Billie Eilish, Frank Ocean, at Clairo, habang patuloy niyang hinahanap at hinuhubog ang sarili niyang tunog.
Noong 2023, nagsimula ang kanyang journey bilang independent artist sa paglabas ng kanyang unang dalawang singles na This Fall, I’m Falling Hard at Is It Too Late?. Naging bahagi naman siya ng StarPop noong 2025 at inilabas ang mga kantang Love Has Come My Way, Labo, at Tago, na mas nagpakilala sa kanyang artistry sa mga music fans.
Napapakinggan ang Ocean ni Shawn Crab sa iba’t ibang digital streaming platforms.
‘Yun lang, and I thank you.





Comments