Hamon sa Comelec, patunayang may sisipaing pasaway na kandidato
- BULGAR
- Oct 3, 2023
- 1 min read
@Editorial | October 03, 2023
Nasa 200 kandidato ang posible umanong madiskwalipika bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre, ayon sa Commission on Elections.
Nag-isyu na raw ang poll body ng show cause orders sa 4,000 kandidato na inakusahan ng premature campaigning. Sa naturang bilang, nasa 700 na ang tumugon at 200 naman ang nakaambang madiskwalipika.
Nasa 30% ng mga kandidato na inakusahan ng maagang pangangampanya ay mula sa National Capital Region.
Karamihan sa mga reklamo na kabilang sa premature campaigning ay ang paglalagay ng mga poster at tarpaulin maging ang vote-buying sa pamamagitan ng mga raffle o pamamahagi ng goods.
Una nang naghain ang Comelec ng disqualification cases noong Biyernes kung saan panibagong 35 pa ang nakatakdang ihain sa mga susunod na araw. Umaasa ang mamamayan na patutunayan ng Comelec na may masisipang kandidato.
Paulit-ulit nang sinasabi sa mga kandidato na sa Oktubre 19 hanggang 28 pa ang simula ng opisyal na pangangampanya para sa BSKE pero sadyang maraming pasaway.
Simpleng panuntunan, hindi masunod.
Ano ang aasahan ng taumbayan sa mga lider na matigas ang ulo at walang respeto sa batas?
Kaya kung ‘di man ma-DQ ang mga kapalmuks na kandidato, tayo nang mga botante ang humatol, huwag iboto ang mga epal at pasaway.



Comments