Hamon sa bagong DA secretary, habulin ang mga smuggler at korup
- BULGAR
- Nov 4, 2023
- 1 min read
@Editorial | November 4, 2023
Matapos ang mahigit isang taong pamumuno sa Department of Agriculture (DA), sa wakas, may itinalaga na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na bagong kalihim.
Ito ay sa katauhan ng fishing tycoon na si Francisco Tiu Laurel, Jr.
Pagmamay-ari ni Laurel ang Frabelle Fishing Corporation, isang kumpanya ng pangingisda na nagsusuplay ng mga sariwa, frozen, at naprosesong produkto ng pagkaing-dagat sa mga lokal at internasyonal na merkado.
Bago ang pagkakatalaga kay Laurel bilang hepe ng DA, siya ay bahagi ng grupo ng agrikultura ng Private Sector Advisory Council na tumutulong sa pamahalaan na tugunan ang mga isyu sa seguridad sa pagkain.
Sa kabilang banda, nauna nang nag-alarma ang grupo ng mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas matapos lumabas ang mga ulat na pamumunuan ni Laurel ang ahensya. Sinabi ng grupo na ang kumpanya ni Laurel ay sangkot umano sa malawakang conversion sa isang anyo ng reclamation ng mga coastal area at municipal waters. Usapin na dapat sagutin ng bagong kalihim para naman hindi mapagdudahan ang panunungkulan.
Sa kabilang banda, masasabing mapapalaban ang DA chief dahil naitalaga siya sa gitna ng tumataas ang presyo ng mga bilihin, kabilang ang mga produktong pang-agrikultura, dahil ang inflation rate ay bumilis sa 6.1% noong Setyembre, kaya good luck!
Umaasa tayo na talagang maaasahan si Laurel at hindi nagkamali ang Pangulo sa pagpili sa kanya.
Kasabay din sana ng kanyang pangunguna sa pagbangon ng agrikultura ay ang paghabol naman sa mga smuggler, hoarder at mga korup na nasa likod ng bagsak na ekonomiya.



Comments