top of page

Ipapaopera ang mata, ipapaayos ang ngipin, ipapasok sa BQ… COCO KAY KATHERINE: IPRAMIS MO LANG, ‘DI KA NA MAGBIBISYO ULI

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 7
  • 3 min read

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Mar. 7, 2025



Photo: Katherine Luna at Coco Martin - Julius Babao YT - Coco


Nagpahatid na ng pasasalamat si Katherine Luna kay Coco Martin nang makarating sa kanya na napatawad na siya ng aktor at handa siyang tulungan na maiayos ang kanyang buhay.


Parehong nakausap ni Ogie Diaz sina Coco at Katherine base sa report niya sa kanyang latest vlog na Showbiz Update.


Ayon kay Ogie, naawa raw si Coco kay Katherine matapos mapanood ang video ng interview ni Julius Babao.


Binasa ni Ogie ang text message sa kanya ni Coco at sinabi ng aktor na tutulungan niya si Katherine na maipaopera ang mata nito at plano rin niyang i-guest ang ex-girlfriend sa FPJ’s Batang Quiapo (BQ).


“Gusto ko s’yang tulungan, nakulong pala s’ya. Gusto ko sanang maipaopera ang mga mata n’ya para makapagtrabaho uli s’ya. Sabihin mo, kukunin ko s’ya sa Batang Quiapo kahit hindi pa ayos ang mata n’ya para magkaroon s’ya agad ng trabaho at mas matuloy niyang maayos ang kanyang buhay lalo na ng mga bata,” sey ni Coco kay Ogie.


“Pero sana, maipangako n’ya sa ‘kin na ayusin n’ya ang buhay n’ya at hindi na s’ya babalik sa dating bisyo,” ang sabi pa ng aktor.


“Puwede akong maghanap kung saan puwedeng ipaopera ang mga mata niya kung papayag s’ya,” ani pa ni Coco.


Matatandaang sa interbyu ni Julius kay Katherine ay natatakpan ng kanyang buhok ang isa niyang mata dahil labis daw itong naapektuhan noong magkasakit siya.


Ayon pa kay Ogie, pinasasabi rin ni Coco kay Katherine na napatawad na niya ito.

“Pakisabi, napatawad ko na s’ya at kalimutan na namin ‘yun. Ang importante, ‘yung ngayon.


Gusto ko s’yang tulungang makabalik sa trabaho para sa panibagong buhay n’ya,” sey ni Coco kay Ogie.


Sabi pa raw ng aktor, “Alam ko kasi ang pakiramdam n’yan na parang nagsarado na ang lahat sa ‘yo kaya tulungan natin siya, Pare, ha?”


Hiling ni Coco na magbagong-buhay na talaga si Katherine at maging maayos na ang kalagayan.


“Sana ‘wag na n’yang sayangin ‘yung bagong oportunidad na magkakaroon siya para sa mga anak n’ya,” sey pa raw ni Coco kay Ogie.


Ipinarating naman ni Ogie kay Katherine ang mga sinabi ni Coco at hiyang-hiya raw ang dating indie actress.


“Sabi ko, ‘Mare, ‘pag tinulungan ka ni Coco, ‘wag mo nang sayangin. Alam mo, ang inaalala nu’ng tao, na kayo nu’ng araw na walang-wala, na nagsisimula kayo. Si Coco bilang hindi n’ya nakakalimutan ‘yung mga nakasama niya nu’ng araw na wala s’ya, binabalikan n’ya para tulungan kaya ‘wag mong sasayangin. ‘Pag may taong tumutulong sa ‘yo, tulungan mo rin lalo ‘yung sarili mo,’” sey ni Ogie.


Sagot daw ni Katherine ay nahihiya siya kay Coco pero pinayuhan s’ya ni Ogie na ‘wag nang isipin ang hiya since ang aktor naman ang nag-offer.


“’Yung tao, willing kang tulungan, dapat tanggapin mo nang buong puso,” payo niya kay Katherine.


Mukhang nakinig naman ang dating aktres sa payo niya at nagpahatid din ng pasasalamat kay Coco.


At hindi pa rito natapos ang kuwento dahil nang sinabi ni Katherine na nahihiya siyang mag-guest sa BQ dahil hindi maganda ang kanyang ngipin, ipinarating din ito ni Ogie kay Coco.


Ang sagot daw ng aktor, “Ipapaayos ko ‘yung ngipin niya.”

Bongga talaga si Coco, talaga namang sinagad-sagad na niya ang pagtulong kay Katherine.


For sure ay aabangan ng mga tao ang transformation ni Katherine at ang paglabas nito sa FPJ’s Batang Quiapo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page