Half discount sa pasahe sa tren, malaking katipiran sa mga manggagawa
- BULGAR

- Aug 20
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 20, 2025

Sa hirap ng buhay ngayon, bawat pisong naiipon o natitipid ay may katumbas na ginhawa sa hapag-kainan ng isang pamilyang Pinoy. Kaya’t nararapat lamang na pakinggan ang panawagan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na mabigyan ng 50% discount sa pamasahe ang mga minimum wage earner na araw-araw sumasakay sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3.
Ayon kay TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza, malaking tulong ito sa mahigit isang milyong manggagawa sa Metro Manila na nagtitiis sa taas ng bilihin at mababang sahod.
Sa kasalukuyang train fare na P35 mula Antipolo Station hanggang Recto Station sa Manila, umaabot sa P70 ang gastos kada araw sa biyahe. Kung maipatutupad ang kalahating diskuwento, makakatipid sila ng P210 kada linggo o P840 kada buwan, katumbas ng dagdag na pagkain o baon para sa pamilya.
Matagal na ring hinihintay ang legislated wage hike, at hindi maikakaila na mabagal ang proseso sa Kongreso. Kaya tama lamang na may hakbang para maibsan ang pasanin ng mga manggagawa.
Hindi lang ito simpleng pamasahe, isa itong pagkilala sa halaga ng mga manggagawa dahil sila ang maituturing nating haligi ng ating ekonomiya, subalit madalas nauuna pang mapaburan ang sektor na may mas malakas na tinig.
Kung matutuloy ang panukalang ito, magiging konkretong patunay na pinakikinggan din ng gobyerno ang hinaing ng mga ordinaryong empleyado.
Kung tutuusin, ang ganitong programa ay hindi lang pagsuporta o pagtulong, kundi pamumuhunan sa produktibidad. Mas magaan ang biyahe, mas malaki ang natitipid na napupunta naman para sa pagkain at iba pang pangangailangan, at mas nagkakaroon ng motibasyon ang mga manggagawa na magpatuloy sa kanilang trabaho. Ito ay mga maliliit na hakbang na maaaring magbigay ng tunay na pagbabago.
Ang diskuwento sa pasahe ay simpleng bagay pero may malaking epekto. Isang uri ng agarang ginhawa sa gitna ng tila kawalan ng katiyakan sa sahod at trabaho.
Ito’y dapat makita hindi bilang gastos ng gobyerno, kundi bilang pamumuhunan sa tao, dahil ang manggagawa na nagtataglay ng magaang na pamumuhay ay mas nagiging matatag na haligi ng lipunan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments