Hakbang para ma-convert sa One Person Corporation ang stock corp.
- BULGAR
- Mar 15, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 15, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay isa sa anim na stockholders ng isang korporasyon. Nabili ko na ang shares ng lahat ng aming stockholders, at ngayon ay ako na ang nagmamay-ari ng kabuuang shares ng kumpanya. Maaari ko ba itong i-convert bilang isang One Person Corporation (OPC) o kinakailangan ko munang isara ang naunang korporasyon at magtayo ng panibago? –Jessie
Dear Jessie,
Ang batas na sasaklaw tungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 11232 o mas kilala bilang Revised Corporation Code of the Philippines. Nakasaad sa Section 132 ng nasabing batas na:
“SEC. 131. Conversion from an Ordinary Corporation to a One Person Corporation. – When a single stockholder acquires all the stocks of an ordinary stock corporation, the latter may apply for conversion into a One Person Corporation, subject to the submission of such documents as the Commission may require. If the application for conversion is approved, the Commission shall issue a certificate of filing of amended articles of incorporation reflecting the conversion. The One Person Corporation converted from an ordinary stock corporation shall succeed the latter and be legally responsible for all the latter’s outstanding liabilities as of the date of conversion.”
Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, sa pagkakataon na makuha ng isang stockholder ang lahat ng stocks ng isang stock corporation, ang nasabing stockholder ay maaaring magsumite ng aplikasyon sa Securities and Exchange Commission (SEC) upang maging OPC. Kung ang aplikasyon ay maaprubahan ng SEC, ito ay magbibigay ng certificate of filing of amended articles of incorporation na nagpapakita ng pagbabago sa estado ng korporasyon. Ang OPC na siyang na-convert mula sa isang stock corporation ang siyang hahalili at magiging responsable sa lahat ng naiwang pananagutan ng naunang korporasyon.
Gaya ng iyong sitwasyon, maaari mong i-convert ang iyong kasalukuyang korporasyon para ito ay maging OPC dahil nabili mo na ang lahat ng shares ng stock. Hindi mo na kailangan pang isara ang iyong kasalukuyang korporasyon, bagkus, kailangan mo lamang magsumite ng aplikasyon sa SEC at sundin ang kanilang mga requirements para maisagawa ito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments