Hakbang laban sa kalamidad, susi sa matatag na bansa
- BULGAR
- Oct 19, 2022
- 4 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 19, 2022
Noong Oktubre 13 ay naging isa sa panauhing pandangal at tagapagsalita ang inyong Senador Kuya Bong Go sa ginanap na 7th MCLE-Accredited National Convention of Public Attorneys na inorganisa ng Public Attorneys Office sa pamumuno ni PAO chief Atty. Persida Acosta. Tumanggap din ang inyong lingkod ng parangal mula sa PAO bilang “Outstanding Senator.”
Bagama't nakatataba ng puso ang mga ganitong parangal lalo pa at galing sa PAO na ang tungkulin ay magkaloob ng libreng tulong na legal sa mahihirap na Pilipino, sabi ko nga sa kanila, tulad nila ay ginagawa ko lang naman ang aking tungkulin nang walang hinihinging kapalit. With or without an award, magseserbisyo ako sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo. Saludo naman tayo sa PAO at sa kanilang mga abogado na nagtatanggol sa hukuman para matiyak na may hustisya sa lahat, lalo na sa mga karaniwang Pilipino.
Samantala, habang papalapit ang Kapaskuhan ay patuloy pa ring dinadalaw ng mga bagyo ang ating bansa. Kaaalis lang ng Bagyong Neneng at nag-iwan ng pinsala sa kabuhayan ng mga kababayan natin sa Cagayan at Ilocos. Labis akong nalulungkot sa ganitong pangyayari dahil unti-unti na tayong nakababangon mula sa hagupit ng pandemya, pero patuloy tayong pinipilay ng mga kalamidad at iba pang krisis.
Napakahalaga ng disaster resiliency dito dahil halos 20 bagyo ang pumapasok sa ating bansa taun-taon, bukod pa ang mga kalamidad tulad ng lindol, landslide, storm surge at iba pa. Ito ang isa sa mga dahilan kaya naging adhikain ko na simula nang ako’y maging senador na gawing mas matatag o resilient at palaging handa sa mga kalamidad ang mga komunidad, lalo na sa mahihirap at liblib na lugar.
Para makamit ito, sa 19th Congress ay muli kong isinulong ang paglikha sa Department of Disaster Resilience. Layunin nitong mapabilis ang mga mekanismo sa paghahanda kapag may kalamidad at iba pang emergency. Kapag naitatag ang DDR, may sarili tayong kalihim na magbibigay ng malinaw na direktiba sa iba pang sangay ng pamahalaan kung paano tutugunan ang sitwasyon bago dumating at pagkatapos tayong tamaan ng kalamidad.
Nariyan din ang panukalang Mandatory Evacuation Center Act of 2022 na akin ding inihain sa Senado. Layunin nitong magtayo ng matitibay na evacuation center sa bawat probinsya, lungsod at munisipalidad. Bukod sa maayos na tulugan at palikuran, kumpleto ito dapat sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, gamot at damit upang mas madaling makabangon ang ating apektadong mga kababayan.
Isa pa ang Rental Housing Subsidy Bill na akin ding iniakda na ang layunin ay pagkalooban ng rental housing subsidy ang mga Pilipinong nawalan ng bahay para mayroon silang disenteng matitirahan. Kapag naisabatas ito, mas matutulungan nating makakuha ng marerentahang tirahan ang mga tinamaan ng sakuna.
Isinumite ko rin ang SBN 1181 o ang Philippine Building Act para masigurong mas maayos at ligtas ang disenyo at pagkagawa ng mga pribado at pampublikong gusali. Taong 1977 pa nabuo ang ating National Building Code at kailangan na itong mapag-aralang mabuti para maging akma sa patuloy na nagbabagong panahon ngayon.
Kasama rin sa disaster resiliency ang pagsigurong handa ang ating serbisyong pangkalusugan, may krisis man o wala. Kaya bilang Chair ng Senate Committee on Health, napakahalaga rin para sa akin ang mabigyan ng proteksyon laban sa anumang sakit ang mga Pilipino at mapalakas ang ating healthcare system.
Isinusulong ko sa Senado ang SBN 2155, o ang panukala para sa pagtatayo ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP) para mapaigting ang ating kakayahan sa siyensya at magkaroon ng sapat na sariling gawang medisina at bakuna laban sa mga bagong lumalabas na sakit.
Dapat na one-step ahead tayo sa mga darating pang public health emergencies kaya isinulong ko rin ang SBN 2158 o ang pagkakaroon ng Center for Disease Control and Prevention (CDC) para mas maayos at mabilis nating matutugunan ang anumang krisis pangkalusugan.
Nariyan din ang SBN 1180 o ang Medical Reserve Corps. Sa ilalim nito, papayagan ang mga nakapagtapos sa mga kursong may kaugnayan sa medisina pero hindi pa lisensyado na tumulong at makapagserbisyo sa pamahalaan kapag may national emergencies.
Tugma ang tatlong ito sa mga prayoridad na panukalang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na binanggit niya sa kanyang unang State of the Nation Address. Natutuwa rin ako na kamakailan ay sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ang pagtatayo ng VIP at CDC ay kabilang sa mga panukalang batas na prayoridad ng Mataas at Mababang Kapulungan.
Ipinapangako ko na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang tuluyang maging batas ang mga ito at mapakinabangan ng ating mga kababayan, lalung-lalo na ang mahihirap at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.
Ginagawa ko ang mga pagsisikap na ito dahil patuloy pa rin ako sa aking hangarin na magkaroon tayo ng mas matatag na bansa na ligtas sa mga kalamidad at banta ng mga sakit. Kapag natugunan natin ang mga pangunahing problemang ito, nasa tamang landas tayo sa sama-samang pagbangon at walang Pilipinong maiiwan sa ating pagkakamit ng kaunlaran.
At lalo na ngayon na papalapit na ang Kapaskuhan, patuloy ako sa pagkakaloob ng serbisyo sa inyong lahat, dahil tulad ng madalas kong sabihin, “Ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.”
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.








Comments