top of page
Search
  • BULGAR

“Habang may pag-asa, may buhay”

@Editorial | December 2, 2023


Ang akdang ito ay para sa lahat ng nangangarap, nagsisikap at patuloy na lumalaban sa buhay.

Ito rin ay paalala sa mga pinanghihinaan ng loob, nakakaramdam ng pagod at nawawalan ng pag-asa.

Hindi madali ang pagbangon mula sa pandemya. Mahirap magsimula nang lugmok. 'Di natin alam kung saan huhugot ng lakas. Napuno na tayo ng takot at unti-unti nang gumuguho ang mga pangarap.

Ito ang iniwan ng mahigit dalawang taong pandemic... lumala ang krisis sa mental health.

May mga dumaranas ng stress, anxiety at depression, na ayon sa mga mental health expert ay magkakaiba.

Stressed tayo sa trabaho o eskwela kung tambak ang mga gawain.


Anxiety ang nararanasan kung balisa o may agam-agam, nag-o-overthink sa mga maaaring maganap sa hinaharap.


Depression, nawawalan na ng gana sa buhay. Kung anu-ano ang naiisip, kung minsan nauuwi pa sa pagpapatiwakal.


Huwag tayong mag-atubiling magpakonsulta sa mga eksperto. ‘Wag nating balewalain ang mga bagay na gumugulo at nagpapahirap sa ating isipan. Tanggapin natin na may problema para mabigyan ng solusyon.

Sa kabilang banda, lagi nating sinasabi, “habang may buhay, may pag-asa”, pero sa pagkakataong ito, bakit hindi natin baliktarin, “habang may pag-asa, may buhay”.

Tayong malalakas at pinatatag ng panahon, magsilbi tayong pag-asa sa mga nauubusan na ng dahilan para mabuhay.

Kung may kapamilya, kaibigan o kakilala tayong dumaranas ng problema o kahit pa mukhang okay naman pero hindi pala, lalo na ang mga kabataan, huwag nating palampasin ang pagkakataon na sila'y makausap bago pa mahuli ang lahat.


Ang simpleng pangungumusta, pagpapasaya, pagpapakita ng kabaitan at kabutihan ay makapagbibigay na ng inspirasyon at pag-asa.


Kung 'di natin kayang maging mabuti lalo na sa mga nangangailangan, sana, lalong 'wag naman tayong maging dagdag sa kanilang pasanin. Tigilan ang pang-iinsulto, paninira at pang-aabuso.


Liwanag ng pag-asa ang kailangan nila para malampasan ang madilim na bahagi ng kanilang buhay.


Iparamdam natin na hindi sila nag-iisa, ipaunawa na sila’y mahalaga.


Uulitin natin, habang may buhay, may pag-asa, at ang pag-asa ay maaaring manggaling sa bawat isa.


Sa kabila ng hirap, sakit at pagkabigo, ipaunawa natin na mayroong kaginhawaan, kagalingan at tagumpay.


Kailangan nating maging matatag para sa sarili at mga mahal sa buhay, maging sandalan na maaasahan sa pagkalinga ng kapwa at laging maninindigan sa tama at kabutihan.


Sa biyaya ng Diyos, walang imposible. Laban lang! Masarap mabuhay lalo na kung may pinaglalaanan.




0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page