top of page

Habambuhay na kulong sa makikipag-sex sa 16-anyos pababa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 20, 2020
  • 2 min read

ni Lolet Abania | September 20, 2020




Positibo si Senate Majority Leader Juan Miguel "Migz" Zubiri na agad maaaprubahan sa Senado ang inihain niyang panukalang itaas ang edad sa statutory rape na 16-anyos, kung saan umaani siya ng suporta mula sa mga kasamahang senador.


"Nagpapasalamat ako sa mga kasamahan ko sa Senado dahil halos lahat, wala akong narinig na negative. Puro gusto nilang lahat na maging co-sponsor, co-author ng measure. At ito ang pinakadisenteng gawin sa ating bansa," sabi ni Zubiri na tiwalang malaki ang tsansa nitong aprubahan sa upper chamber.


"Sa tingin ko, mabilis itong maipapasa. Ang plano namin, sana before the break. Pero depende kay Senator Richard Gordon. Siya ang chairman ng Committee on Justice. Baka pumayag siya na maging subcommittee chair na lang ako," ayon sa senador.


Nakapaloob sa panukala, na ang edad ng statutory rape o age of consent ay maging 16-anyos mula sa kasalukuyang 12-anyos. Ibig sabihin nito, sinumang adult na nagkaroon ng sexual intercourse sa isang minor na 16-anyos pababa ay kinokonsiderang guilty of rape kahit pa pumayag ang mismong menor-de-edad.


"Gusto nating iangat 'yan ng 16 years old, dahil ang batang 13, 14, 15 years old hanggang 16 years old, musmos pa ang pag-iisip niyan. Napakabata pa ng pag-iisip niyan. At napakadaling mawalan ng inosente, ng kabataan niyan. So ang daming nagte-take advantage nito," paliwanag ni Zubiri.


Ayon kay Zubiri, labis siyang naalarma sa report na ibinigay ng Commission on Population and Development (POPCOM) na karamihan sa mga teen-ager na babae ay agad nabubuntis, gayundin, 80% sa kanila ay may partner na 21-anyos at pataas.


"So ang nangyayari, nawawalan sila ng pag-asa dahil minsan, kapag nabubuntis ka, 15 years old ka, 14 years old, hindi na kayo bumabalik sa eskuwelahan. At lalong nababaon ang pamilya sa utang at kahirapan dahil siyempre, nawawala sa eskuwela," sabi ni Zubiri. "So gusto nating mawala na ang sexual predation or predators na ito at pedophile, 'ika nga, na makipagtalik sa mga bata. Kaya gusto natin para may deterrent by law."


"Let's say nagkaroon ng relasyon ang isang 14 years old sa isang 15 years old or 16 years old, medyo magkalapit ang edad, walang problema 'yan. That is what you call 'Romeo and Juliet' provision kung saan okay lang basta magkalapit ang kanilang edad," dagdag ng senador.


Gayunman, ayon pa kay Zubiri, hindi masasabing statutory rape kung pareho ang edad ng magkarelasyon subali’t kung ito ay pinuwersa, papasok ito sa kasong rape.


"Kapag magkaedad, walang kaso unless pinilit ng isang partido o isang grupo na magtalik, babalik 'yan sa rape," sabi ni Zubiri.


Sa naturang panukala, mananatili ang itinakdang kaparusahan sa ilalim ng Revised Penal Code of reclusion perpetua para sa sinumang magsasagawa ng pakikipagtalik sa isang 16-anyos pababa, babae man o lalaki, ayon kay Zubiri.


"Kung nakipagtalik kayo sa batang edad na 16 pababa, 'yan ay automatic rape ang kaso sa 'yo at makukulong ka habambuhay," aniya pa.


Samantala, sa House of Representatives, ang Committees on Revision of Laws at ng Welfare of Children ay magkatuwang na inaprubahan na ang panukala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page