DOJ Sec., nagpunta sa Prague... Zaldy Co, 'di pa nahuhuli
- BULGAR

- Apr 26
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | April 26, 2026

Photo: File / Zaldy Co
Posibleng wala na sa hurisdiksyon ng Czech Republic si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Ito ang reaksyon ni Justice Secretary Fredderick Vida sa mga mamamahayag sa Prague nang tanungin kung ano ang garantiya ng panig ng Pilipinas na mananatili si Co sa hurisdiksyon ng Czech Republic.
“There's no such guarantee. We need to respect their laws,” wika ni Vida.
Naniniwala si Vida na posibleng nakaalis na si Co sa Czech Republic.
Nauna rito, isinailalim si Co sa immigration detention ng mga Czech authorities.
Nahaharap si Co sa kasong corruption at malversation na may kinalaman sa flood control scandal.
Inaayos na umano ni Vida ang mga pulong sa mga opisyal ng Czech, partikular sa kanilang mga counterpart sa Ministry of Justice, upang beripikahin ang impormasyon ng mga awtoridad ng Pilipinas tungkol sa pagkakadetine ni Co at upang alamin ang mga paraan kung paano siya maaaring maiuwi sa bansa.
“Ina-arrange pa. Pina-finalize pa,” wika pa ni Vida habang nagsusumikap din ang Philippine embassy na maisaayos ang nabanggit na meeting.
Gayunman, irerespeto aniya ng Pilipinas ang mga proseso ng Czech Republic at ng European Union sa paghawak ng kaso.
Nilinaw din ni DOJ spokesperson Polo Martinez na hindi teknikal na inaresto si Co ng mga awtoridad ng Czech, ngunit nalimitahan ang kanyang kalayaan dahil sa posibleng paglabag sa mga regulasyon sa imigrasyon.
“For analogy, it’s similar to a situation in the airport where the person arrives and immigration denies entry or excludes the person. Technically, not arrested but there is a deprivation of liberty to a certain degree,” punto ni Martinez.





Comments