Habal-habal, delikado pero tinatangkilik
- BULGAR
- Jan 13, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Enero 13, 2023
Dahil sa hirap ng pagbiyahe gamit ang pampublikong transportasyon, nagkaroon ng pagkakataon na bumiyahe ang mga colorum na motorsiklo o ‘yung tinatawag na habal-habal.
Gaya sa LRT-1 Monumento station sa Caloocan City, kung saan may mga nakapilang habal-habal rider sa gilid ng istasyon para mag-abang ng mga pasaherong papasok sa kani-kanilang trabaho.
Kahit aminadong ilegal, may ilang tumatangkilik sa habal-habal dahil nagmamadali at hindi na kayang mahintay ang haba ng pila sa istasyon.
Kung para sa iba ay diskarte ito para kahit paano ay makaiwas sa mahabang pila at trapik, iba-iba naman ang opinyon ng ating mga kababayan hinggil dito.
Para sa ibang habal-habal rider, bagama’t wala silang permit para mag-operate, ligtas naman nilang naihahatid ang mga pasahero. Habang reklamo ng ilang motorcycle taxi rider, hindi patas kung patuloy na mamamasada ang mga habal-habal rider dahil hindi sila dumaan sa tamang proseso.
Samantala, nagsagawa ng operasyon laban sa mga habal-habal ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kasabay nito ang paalala sa mga komyuter na walang kaukulang dokumento ang mga habal-habal rider, kaya kung sakaling magkaroon ng aksidente, walang pananagutan ang mga ito.
Binigyang-diin pa ng MMDA na ang mga legally operated na motorcycle taxis ay may profile sa kanilang kumpanya, habang ang mga habal-habal rider ay walang pagkakakilanlan. Kaya kung mayroong insidente ng pagnanakaw o iba pang krimen, mahihirapan silang matunton ang naturang rider.
Sa totoo lang, matagal nang kilala ang habal-habal at lalo na itong tinangkilik nang lumala ang problema sa transportasyon. Gayunman, hindi natin masisisi ang mga komyuter kung ito ang kanilang diskarte dahil batid nating grabe ang hirap ng pagbiyahe.
Marahil ay hindi sapat ang pakiusap sa mga komyuter na habaan ang pasensya at iwasang tumagkilik sa ilegal.
Kung nais nating matiyak na ligtas ang mga mananakay, hamon natin sa gobyerno, dumiskarte rin kayo para maayos ang sistema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments