Gusot ng 'Pinas-Kuwait, dapat ayusin agad
@Editorial | May 14, 2023
Marami ang nabigla sa utos ng Kuwait na itigil ang pagbibigay ng visa sa mga Pilipino.
Ang tanging papayagan lamang umano na makapasok sa Kuwait ay mga Pinoy na may valid resident visa.
Ayon naman sa Department of Migrant Workers (DMW), ang pagpapatigil sa pagbibigay ng visa ay dahil sa paglabag ng Pilipinas sa bilateral agreement ng dalawang bansa. Gayunman, ayon sa DMW at Department of Foreign Affairs (DFA), wala silang nalalaman na ginawang paglabag ang Pilipinas.
Ang masasabing pinakaapektado ay ang mga manggagawang Pinoy. Napag-alaman na sa biglang pagpapatigil ng pag-iisyu ng visa, apektado ang 3,000 manggagawa na nakatakdang lumipad na sana sa Kuwait.
Mayroong manggagawa na hindi na pinapasok sa Kuwait at agad pinabalik ng Pilipinas.
Marami ring nasa airport na paalis na sana patungong Kuwait ang hindi na malaman ang gagawin, sapagkat wala na silang pamasahe pauwi sa kanilang probinsya.
Ito ang tanong ngayon, kung walang nilabag ang Pilipinas, posible kayang gumaganti ang Kuwait sa ginawang deployment ban ng mga bagong Pinay household workers noong Pebrero?
Matatandaang, itinigil ang pagpapadala ng Pinay HHWs kasunod ng panggagahasa at pagpatay sa isang OFW.
Hindi lingid sa ating kaalaman na may iba pang mga Pinay ang pinatay sa Kuwait. Nangako ang Kuwait noon na pangangalagaan ang OFWs mula sa mga abusadong amo, pero bakit may mga biktima pa rin ng krimen?
Sa ngayon, ang tanging magagawa ay ang agarang pagkilos ng ating gobyerno para malinawan ang gusot sa Kuwait. Kasabay nito ang pagbibigay ng maagap na tulong sa mga apektado ng ban at higit sa lahat ang mabigyan ng proteksyon ang lahat ng Pinoy sa Kuwait.



Comments