top of page

Gumagamit ng pekeng plaka, dapat parusahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 19
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 19, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa loob ng higit isang dekada, ang mga motorista’y tila hinayaan na lang na gumamit ng temporary plates, stencil, o sa mas malala, pekeng plaka — dahil nga naman, walang maibigay ang gobyerno. 


Pero ngayong tuluyan nang nabura ang 11-taong backlog ng Land Transportation Office (LTO) ayon na rin sa kagawaran, wala nang dahilan para sa paggamit ng pekeng plaka. 

Kung hindi pa rin sumusunod ang ilan, hindi na dahil sa pagkukulang ng pamahalaan, kundi talagang pagsuway na ito sa batas. 


Kamakailan, inanunsyo ng LTO na may 7.2 milyong plaka nang naiprinta at ipinamamahagi sa mga rehiyon. Isa itong milestone matapos ang mahabang panahong reklamo mula sa mga motorista. Gayunman, sa parehong linggo, apat na indibidwal ang inaresto sa San Ildefonso, Bulacan, dahil sa paggawa at pagbebenta ng pekeng plaka — pruweba ng talamak pa ring ilegal na gawain. 


Giit ni LTO acting Assistant Secretary Atty. Greg Pua Jr., walang rason para tangkilikin pa ang mga fake plates. Sa katunayan, ang kagawaran ay nakipag-ugnayan na sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para masugpo ang mga nagbebenta ng pekeng plaka online. 


Ayon kay Pua, ang crackdown ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na wakasan ang ilegal na kitaan sa sektor ng transportasyon. 


Aniya, ang mga mahuhuling motorista na may pekeng plaka ay maaaring pagmultahin ng P5,000 sa ilalim ng Joint Administrative Order 2014-01. Para sa mga motorsiklo, mas mabigat ang parusa, hanggang P10,000 multa at pagkakakulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon batay sa Republic Act 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act. 


May mobile tracker app na rin ang LTO para malaman kung handa nang i-claim ang kanilang plaka. Malinaw na hindi na excuse ang sinasabing matagal na proseso. Kung hindi pa rin susunod sa polisiya ay kasalanan na ito ng mga motorista at sadyang may mga pasaway lang talaga.


Marahil, ang isyu ng pekeng plaka ay hindi lang simpleng paglabag sa batas-trapiko o patakaran — ito ay sumasalamin sa ugali ng ilan sa ating mga motorista na gustong mandaya at nais lumusot sa pananagutan.


Dahil natugunan na rin ng kinauukulan ang kanilang pagkukulang, malinaw na hindi na sistema ang problema kundi ang kawalan ng disiplina at respeto sa batas ng iilan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page