Guce at Hernandez, magpapagalingan
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | March 26, 2022
Kilalang mahuhusay na hinete sina Jessie B. Guce at Jonathan B. Hernandez, mga star jockeys sa industriya ng karera.
Nakatakda silang magpakitang gilas muli sa isang stakes race at sasakyan nila sina Amor Mi Amor at Basket Of Gold ayon sa pagkakasunod sa magaganap na 2022 PHILRACOM "3-Year-Old Maiden Stakes Race" na ilalarga sa Abril 10 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Dating mga Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardees sina Guce at Hernandez, inaasahang mga dekalidad na kabayo ang kanilang sasakyan.
Ang ibang kalahok sa distansyang 1,300 meter race ay sina, Beat Da Boys, Cupid Song, Ecotourism, Eutychus, Opportunity, Pharaoh Bell, Portsalt, Queen Louise at Thermodynamics.
"Tingin ko mga future stakes race champion ang mga kasali, mukhang mahuhusay na batang kabayo kaya sigurado magandang laban ang mapapanood natin dyan," saad ni Celso Celeste, veteran karerista.
May P1.2-M guaranteed prize ang nasabing karera na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM), ikakalat ang premyo sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P720,000, sisikwatin ng segundo ang P240,000 habang makokopo ng third, fourth, fifth at sixth placers ang tig-P120,000, P60,000, P36,000 at P24,000 ayon sa pagkakahilera.
Samantala, bumilib ang mga karerista sa ipinakitang galing ni Hi Jack nang manalo ito sa PHILRACOM Rating Based Handiccaping System noong Huwebes ng hapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite. Ginabayan ni jockey CP Henson, inirehistro ni Hi Jack ang 1:34.8 minuto sa 1,400 meter race sapat upang ibulsa ng horse owner na si ER Lopez ang karagdagang premyo na P5,000 sa pagkakapanalo ni Hi Jack.





Comments