Grizzlies, solo lider na sa West, Herro, matalas sa Heat
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 17, 2022

Inagaw ng Memphis Grizzlies ang solong liderato ng Western Conference matapos ang 142-101 tambak sa bisitang Milwaukee Bucks sa NBA kahapon mula sa FedExForum.
Tumanggap ng tulong ang Grizzlies mula kay kabayan Jordan Clarkson at Utah Jazz na pinatumba ang dating numero New Orleans Pelicans sa overtime, 132-129.
Sa overtime, ipinasok ni Clarkson ang dalawang magkasunod na mahalagang buslo upang palamangin ang Jazz, 127-123, at kumapit sila sa huling 2:50. Kinailangan ang mga free throw nina rookie Walker Kessler at Lauri Markkanen upang matahimik ang huling hirit ng Pelicans.
Nagtapos si Clarkson na may 39 puntos mula sa pitong three-points. Sumunod si Markkanen na may 31 puntos. Nagtala si Ja Morant ng triple double na 25 puntos, 10 rebound at 10 assist at umakyat ang Memphis sa 19-9 panalo-talo, isang laro ang lamang sa Pelicans na bumaba sa 18-10. Ito na rin ang ika-pitong sunod na panalo ng Grizzlies na humugot ng 18 puntos kay Dillon Brooks.
Bayani muli si Tyler Herro at matalas ang kanyang shooting sa 111-108 panalo ng bisitang Miami Heat sa Houston Rockets. Pumukol si Herro ng 10 tres patungo sa 41 puntos na parehong personal na pinakamarami sa kanyang apat na taon sa liga.
Kahit hindi na pumuntos ang Miami sa huling limang minuto, sumapat ang kanilang 111-99 lamang. Tinulungan si Herro ni Jimmy Butler na may 20 puntos at 10 rebound habang kinulang ang 22 puntos ni kabayan Jalen Green para sa Houston na lalong nabaon sa ilalim ng West sa 9-19 kasama ang San Antonio Spurs.
Madaling tinalo ng bisitang Phoenix Suns ang Los Angeles Clippers, 111-95, na naglaro na wala ang mga bituin Paul George at Kawhi Leonard. Namuno sa Suns si Mikal Bridges na may 27 puntos.





Comments