Grizzlies, seryosong aagaw ng korona, Knicks, nanggiba
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 20, 2023

Nagpadala ng mensahe ang Memphis Grizzlies na seryoso sila na maagaw ang korona sa World Champion Golden State Warriors at tinalo nila ito, 133-119, sa NBA kahapon sa FedExForum. Kung hindi magbabago ang tinatakbo ng mga koponan, maaaring sila rin ang maghaharap sa simula ng Playoffs sa susunod na buwan.
Minsan lang nakaabante ang bisitang Warriors, 2-0, at dominado ng Grizzlies ang laro hanggang umabot ng 129-109 ang lamang sa fourth quarter. Ito ang ikatlong sunod na laro ng Warriors sa labas ng kanilang tahanan at may dalawa pang nakatakda bago sila umuwi.
Nanguna sa Memphis sina Jaren Jackson Jr. na may 31 at Desmond Bane na may 26 puntos. Kahit matatapos na ang suspensiyon ni Ja Morant ngayong linggo, hindi pa tiyak kung sasalang siya agad at kailangan pa niya mabawi ang kanyang pisikal na kondisyon.
Pinaluhod ng Utah Jazz ang Boston Celtics, 118-117, isang araw matapos makapasok ang Celtics sa Playoffs. Naka-shoot na may 35 segundong nalalabi si Talen Horton-Tucker upang palamangin ang Jazz at ipriniserba ni rookie sentro Walker Kessler ang resulta sa kanyang tapal sa tira ni Grant Williams na may isang segundo sa orasan.
Double-double si All-star Lauri Markkanen na 28 puntos at 10 rebound habang 19 si THT. Ito na rin ang ika-limang laro na wala si kabayan Jordan Clarkson na nagpapagaling ng pilay sa kanyang daliri.
Binigo ng New York Knicks ang isa pang koponan na sigurado na sa Playoffs na Denver Nuggets, 116-110. Winasak ni Julius Randle ang huling tabla na 110-110 at sinundan ng dalawang free throw ni Jalen Brunson na may 43 segundo bago tuldukan ng dunk ni Mitchell Robinson ang panalo na may 23 segundo.





Comments