top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Grizzlies, matibay sa West, Hawks, ginanahan sa 4thq

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 10, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 10, 2023




Umakyat muli ang Memphis Grizzlies sa taas ng Western Conference matapos talunin sa unang pagkakataon ngayong torneo ang Utah Jazz, 123-118, sa NBA kahapon sa FedExForum. Ito na ang ika-anim na sunod na panalo ng Grizzlies na tumabla sa nagpapahingang Denver Nuggets sa 26-13.


Sa gitna ng pagliban ni superstar Ja Morant dahil masakit ang hita, inangat nina Desmond Bane na may 24 puntos at kapalit ni Morant na si Tyus Jones na may 21 puntos ang kanilang laro. Ipinasok ni Jaren Jackson Jr. ang walo ng kanyang 19 puntos sa 4th quarter upang magwagi ang Memphis matapos matalo sa unang dalawang tapatan.


Naka-shoot si Royce O’Neale na may 3.2 segundo sa orasan upang maagaw ng bisitang Brooklyn Nets ang 102-101 panalo sa Miami Heat. Nilampasan din ni Kevin Durant si Dominique Wilkins para sa ika-14 puwesto sa pinakamaraming puntos sa NBA sa kanyang unang buslo na may apat na minuto ang nakalipas – ang kanyang ika-26,669 kumpara sa 26,668 ni Wilkins.


Subalit napilay ang tuhod ni Durant matapos bagsakan ni Jimmy Butler sa third quarter at hindi na bumalik sa 4th quarter. Malaking suliranin ang pagliban ni Luka Doncic dahil masakit ang bukong-bukong at binigo ng Oklahoma City Thunder ang kanyang Dallas Mavericks, 120-109. Nagsabog ng 33 puntos si Shai Gilgeous-Alexander.


Itinapal ng Atlanta Hawks ang ika-anim na sunod na talo ng Los Angeles Clippers, 112-108. Lalong ibinaon ng Minnesota Timberwolves ang Houston Rockets sa ilalim ng buong NBA, 104-96.


Bumanat ng tig-22 puntos ang mga All-Star Donovan Mitchell at Darius Garland at buhatin ang Cleveland Cavaliers sa 112-98 pagwagi sa Phoenix Suns, isa pang koponan na pilay ang mga bituin. Patuloy ang pagliban nina Devin Booker at Chris Paul at isa lang ang panalo ng Suns sa nakaraang 10 laro.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page