top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Grizzlies at Suns, nagbabaga

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 19, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 19, 2022





Naging espesyal ang paggunita ng NBA ng Martin Luther King Day matapos magtala ng mahalagang tagumpay ang Memphis Grizzlies at Atlanta Hawks kahapon. Ginulat ng Grizzlies ang numero uno sa Eastern Conference Chicago Bulls, 119-106, habang tinalo ng Hawks ang bisitang World Champion Milwaukee Bucks, 121-114.


Matapos maputol sa 11 ang kanilang sunod-sunod na panalo, panahon na para magsimula muli at bigatin ang napiling biktima ng Grizzlies para sa kanilang ika-31 panalo sa 46 laro. Bumida sina Ja Morant at Desmond Bane na parehong may tig-25 puntos sa gitna ng pagliban nina Zach LaVine, Lonzo Ball at Alex Caruso dahil sa sari-saring pilay at sakit.


Lalong pinatibay ng Phoenix Suns ang hawak nila sa liderato ng buong NBA at humabol mula sa 15 puntos sa third quarter upang patumbahin ang San Antonio Spurs, 121-107. Pumukol ng pitong three-points si Devin Booker bilang bahagi ng 48 puntos at tinulungan ni reserbang sentro Bismack Biyombo na may 17 puntos para sa kartadang 34-9.


Nakahanap ng hindi inaasahang tulong si LeBron James mula kay Stanley Johnson at nanaig ang Los Angeles Lakers sa bisitang Utah Jazz, 101-95. Gumawa ng 25 puntos si LBJ.


Bago ang laro ng Lakers ay ginamit ng LA Clippers ang Crypto.com Arena at bumaha ang puntos sa kanilang 139-133 panalo sa bisitang Indiana Pacers. Tinala ni Nicolas Batum ang lahat ng kanyang 32 puntos sa second half galing sa pitong three-points.


Kahit natalo ng ika-apat na sunod, numero uno pa rin ang Bulls sa East sa 27-15 subalit kinuha ng Miami Heat ang pagkakataon at nagwagi sa Toronto Raptors, 104-99.


Gumawa ng 23 puntos si Tyler Herro habang triple double si Jimmy Butler na 19 puntos at malaking bagay din ang pagbalik ni Bam Adebayo matapos mawala ng 22 laro at nag-ambag ng 14 puntos.


Binigo ng Cleveland Cavaliers ang bisitang Brooklyn Nets para sa kanilang ika-limang sunod na panalo, 114-107, sa likod ng 22 puntos at 14 assist ni Darius Garland.


Pinigil ng Dallas Mavericks ang huling hirit ng Oklahoma City Thunder, 104-102, para sa kanilang ikatlong sunod na tagumpay. Triple double muli si Luka Doncic na 20 puntos, 11 rebound at 12 assist.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page