Green, binalikat ang Rockets; vs. Wizards sa Preseason game
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 07, 2021

Nagpasikat agad si rookie Jalen Green upang tulungan ang Houston Rockets sa 125-119 panalo sa bisitang Washington Wizards sa pagpapatuloy ng 2021 NBA Preseason kahapon sa Toyota Center. Ipinasok ni Green ang 10 ng kanyang 12 puntos sa first half subalit kinailangan ang mga beterano sa mahigpit na huling minuto.
Winasak ng tres ni Armoni Brooks ang 117-117 tabla na may 36 segundong nalalabi, 120-117. Sinagot ito ng buslo ni rookie Jordan Goodwin upang magbanta ang Wizards, 119-120, subalit sinigurado nina Brooks at Dante Exum ang tagumpay sa pinagsamang limang free throw sa huling 14 segundo.
Kahit mainit ang simula ni Green ay nagawa pang lumamang ang Washington sa halftime, 60-57. Nanguna sa Rockets si Kevin Porter Jr. na may 25 puntos habang 12 puntos din si Daniel Theis.
Hindi naglaro si John Wall at hindi itinatago ng Houston ang plano na bilhin ang kontrata ng kanilang All-Star o ilipat ito sa ibang koponan. Nagtala si Wall ng 20.6 puntos noong nakaraang taon subalit naglaro lang siya sa 40 ng 72 laro ng Rockets dahil sa sari-saring pilay at sakit.
Sa iba pang laro, hindi tinapos ang tapatan ng Memphis Grizzlies at bisitang World Champion Milwaukee Bucks matapos biglang nag-alarma ng sunog sa FedExForum bago ang simula ng third quarter at lamang ang Grizzlies, 87-77. Agad inilikas ang mga manonood at hindi na pinabalik.
Samantala, sisikapin bumawi ni Jordan Clarkson at Utah Jazz ngayong araw sa pagdalaw nila sa Dallas Mavericks. Galing ang Jazz sa 85-111 talo sa San Antonio Spurs noong isang araw habang ito ang unang salang ng Mavs ngayong preseason.





Comments