top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Green Archers, champ sa PBA D-League vs. Marinero

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 1, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 1, 2022



Kinoronahan ang EcoOil-De La Salle bilang kampeon ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup matapos durugin ang Marinerong Pilipino, 91-78, sa Game Three kahapon sa Araneta Coliseum. Winakasan ng Green Archers ang serye, 2-1, para sa kanilang unang tropeo sa liga.


Simula pa lang ay hindi na pinaporma ng EcoOil ang Marinero sa likod ng maagang pag-init nina Michael Phillips, Evan Nelle at Deschon Winston patungo sa 25-19 lamang sa first quarter. Ipinasok ni Coach Frederick Pumaren si Mark Nonoy sa second quarter at agad bumanat ng magkasunod na three-points upang lalong lumayo ang Green Archers sa halftime, 51-36.


Hindi nakatulong sa Skippers ang pagpalabas sa laro ng kanilang shooter Jollo Go sa simula ng third quarter matapos tawagan ng Flagrant Foul Two bunga ng pagsuntok kay Benjamin Phillips. Dahil dito, lalong lumobo ang agwat sa 21 puntos, 74-53, subalit hindi sumuko ang Marinero.


Biglang nabuhayan ang Skippers at tinapyas sa siyam na lang ang pagitan, 70-79, at apat na minuto ang nalalabi subalit rumatrat ng tres si Cyrus Austria upang mapigil ang banta at bumalik sa isang dosena ang lamang, 82-70. Mula roon ay inalagaan ng mabuti ng EcoOil ang kanilang lamang kasama ang isang three-point play ni Austria na nagselyo sa kampeonato, 85-72, papasok sa last 2 minutes.


Nagtapos si Winston na may 16 puntos upang pangunahan ang Green Archers. First half pa lang ay double-double na si Michael Phillips at nagtapos na may 15 puntos at 16 rebound at 15 puntos din si Nonoy.


Inamin ni Coach Pumaren na malaking bagay ang isang linggong pagitan sa Game 3 at Game 2 kung saan nagwagi ang Green Archers, 70-63. Nagdoble-kayod si Best Player of the Conference Juan Gomez de Liano matapos mawala si Go at gumawa ng 30 puntos.


Magbabalik ang PBA D-League sa Enero o Pebrero ng susunod na taon para sa Foundation Cup.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page