top of page
Search
  • BULGAR

Granular lockdowns, sabayan ng testing

ni Grace Poe - @Poesible | September 20, 2021


Nagsimula na noong Setyembre 16 ang implementasyon ng eksperimental na granular lockdown sa Metro Manila bilang panibagong estratehiya ng pamahalaan sa laban sa COVID-19. Kasabay ito ng pagsasailalim sa kapital ng bansa sa General Community Quarantine-Alert Level 4 bilang pamalit sa dating klasipikasyon ng mga kuwarentina na sumasakop sa buong mga lalawigan at lungsod. Batay sa magiging resulta sa National Capital Region (NCR), isusunod ang implementasyon ng ganitong sistema sa buong bansa.


Tula ng sa quarantine classifications, may nakatakdang pagbabawal at pinapayagan sa bawat alert level. Lahat ng negosyong hindi nakabilang sa ipinagbabawal, puwedeng magbukas ng 100% ang kapasidad. Sa Alert Level 4, kapansin-pansing puwede na ang fully vaccinated sa loob ng ilang establisimyento sa 10% capacity. Ito ang tugon sa kahilingan ng sektor ng ekonomiya na muling buksan ang mga negosyo para makapaghanapbuhay ang mga tao.


Samantala, ipinatutupad naman ngayon ang granular lockdowns sa maraming lugar sa NCR na natukoy ng local government unit (LGU) na may mga kaso ng COVID-19. Kapag naka-granular lockdown ang lugar, tanging healthcare workers at unipormadong mga tao ang maaaring makapasok at makalabas mula rito. Papayagan rin ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na may flight paalis ng bansa at iyong mga pauwi sa kanilang tahanan, mga nakatira sa lugar na iyon na gustong umuwi pero hindi na puwedeng lumabas ulit, mga may pangangailangang medikal, at delivery ng pagkain at essential items. Bibigyan ng food stubs ang mga kabahayang sakop ng granular lockdown.


Nanawagan tayo sa mga LGU natin na huwag daanin sa paninindak ang implementasyon ng granular lockdown. Kailangang bigyan ng karampatang babala ang mamamayan kung sila ay isasailalim dito para makapag-stock sila ng pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan lalo pa at mahaba ang panahon na hindi sila makalalabas ng bahay.


Ang mga nagtatrabaho ay dapat bigyan ng pagkakataong makauwi at masabihan ang kanilang employer na hindi sila makapapasok dahil sa naka-granular lockdown ang kanilang tahanan para hindi malagay sa peligro ang kanilang trabaho.


Ang pinakamahalaga, sabayan ng testing at maagang paggamot sa mga apektado ang mga isinasailalim sa granular lockdown. Tigilan na ang pagkukulong lang sa mga tao na walang kasabay na aksiyon. Simula pa lamang ng pandemya, sinasabi na ng mga eksperto ang kahalagahan ng malawakang testing. Ito ang pagkakataon para matutukan ng pamahalaan ang pagte-test ng mamamayan.


Sa karanasan ng mga bansang may mahusay na tugon sa COVID-19, nakita nating naiiwasan ang hospitalisasyon kapag maagap na nagagamot ang sintomas ng nasabing impeksiyon. Huwag hintaying hindi na makahinga ang tao bago asikasuhin.


Nasa higit dalawampung libong bagong kaso tayo kada araw nitong nakaraang mga linggo. Nagpapatupad ng panibagong sistema sa pag-asang mababalanse at ekonomiya at ang kaligtasan ng mamamayan. Kapwa nakamamatay ang gutom at ang karamdaman.


Samantala, ang kaligtasan natin ay nasa ating mga kamay. Nasa tahanan na ang laban sa COVID-19 lalo’t pami-pamilya na ang apektado. Gawin natin ang lahat ng pag-iingat para sa proteksiyon ng ating tahanan.


Keep safe, mga bes.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page